Home HOME BANNER STORY Usok galing Indonesia umabot sa NCR, Calabarzon, Mimaropa — DENR

Usok galing Indonesia umabot sa NCR, Calabarzon, Mimaropa — DENR

1
0

MANILA, Philippines — Nakarating na sa ilang bahagi ng Metro Manila, Calabarzon at Mimaropa ang haze na posibleng may kaugnayan sa nagpapatuloy na sunog sa Kalimantan, Indonesia, ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).

Sinabi ng EMB na maaaring inanod patungo sa Pilipinas ng umiiral na hangin ang usok at transboundary haze mula sa Indonesia. Gayunman, patuloy pa nitong mino-monitor ang sitwasyon upang matukoy ang lawak at epekto nito.

Sa pinakahuling Air Quality Monitoring Report ng EMB-National Capital Region, umabot sa “acutely unhealthy” level ang PM2.5 air quality sa Parañaque at Las Piñas, na may Air Quality Index (AQI) na 201 hanggang 300.

Nasa “very unhealthy” level naman, o AQI na 150 hanggang 200, ang monitoring areas sa Quezon City-Ateneo, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Pasay, San Juan, Taguig at Valenzuela.

Nasa “unhealthy for sensitive groups” level naman ang Makati, Navotas at Pateros.

Ang PM2.5 ay maliliit na particulate matter na maaaring magmula sa vehicle exhaust, industrial emissions, power plants, wildfires at pagsusunog sa agrikultura.

Pinayuhan ng DENR-EMB ang publiko na bawasan ang matagal na outdoor activities sa mga lugar na apektado ng haze.

Partikular na pinapayuhang limitahan ang paglabas ng mga bata, senior citizen at mga may respiratory o cardiovascular conditions.

Inirerekomenda rin ang pagsusuot ng maayos na N95 o katumbas na mask kapag kinakailangang lumabas sa mga lugar na may kapansin-pansing haze.

Naglabas na rin ng air quality advisory ang Quezon City government at hinikayat ang vulnerable residents, kabilang ang mga bata, buntis, senior citizen at may sakit sa baga o puso, na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at magsuot ng face mask kapag lalabas.

Patuloy namang mino-monitor ng DENR-EMB ang kalidad ng hangin sa pamamagitan ng network ng air quality monitoring stations nito habang nagpapatuloy ang haze sa ilang bahagi ng bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here