Home NATIONWIDE Duterte legal team tutol sa pagpasok ng 2 expert reports bilang ebidensya...

Duterte legal team tutol sa pagpasok ng 2 expert reports bilang ebidensya sa ICC

1
0

THE HAGUE – Tinutulan ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mosyon ng prosekusyon na isama bilang ebidensya sa International Criminal Court (ICC) ang dalawang karagdagang pag-aaral na binanggit ng isa sa mga expert witness nito.

Sa isang dokumentong inihain noong Oktubre 30 at inilabas lamang nitong Sabado, hiniling ng depensa sa Trial Chamber III (TC III) na tanggihan ang kahilingan ng prosekusyon na tanggapin bilang ebidensya ang mga karagdagang materyales na binanggit ng testigong si “P-1400” sa kanyang ulat.

Ayon sa depensa na pinamumunuan ng British barrister na si Peter Haynes, ang dalawang pag-aaral ay ginawa ng ibang mga propesyonal na hindi kabilang sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon at nagsilbi lamang na karagdagang materyales sa sariling ulat ni P-1400.

Iginiit din ng mga abogado na hindi sapat na nagamit o naipaliwanag ng testigo ang dalawang pag-aaral kaya hindi umano mahalagang bahagi ang mga ito ng mga ebidensyang nakahain na sa korte.

Binigyang-diin ng depensa na kailangang suriin ng korte ang bawat karagdagang materyal upang matukoy ang kaugnayan at halaga nito bilang ebidensya, kabilang ang lawak ng pagtalakay dito ng testigo sa kanyang naunang naitalang testimonya.

Ayon pa sa legal team, walang sapat na batayan upang isama ang dalawang ulat bilang ebidensya sa kaso.

Sa kabilang banda, sa mosyong inihain noong Oktubre 21, hiniling ng mga tagausig sa TC III na tanggapin ang dalawang ulat at iba pang kaugnay na materyales na isinumite ni P-1400, na kinilala lamang bilang isang eksperto.

Ayon sa prosekusyon, makatutulong ang testimonya at ulat ng eksperto sa pag-unawa ng korte sa mga isyung teknikal at mapapabilis din nito ang pagdinig.

Bilang batayan, binanggit ng mga tagausig ang naging proseso sa kaso ng Congolese rebel leader na si Bosco Ntaganda, kung saan kinilala ng korte ang isang expert witness bilang taong may espesyalisadong kaalaman o kasanayan na makatutulong sa pag-unawa sa isang teknikal na usapin.

Wala pang isang buwan bago magsimula ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, patuloy na hinihiling ng prosekusyon sa korte na payagan itong magsumite ng mga dokumentaryong ebidensya, kabilang ang mga naunang naitalang testimonya at iba pang kaugnay na materyales ng mga testigo nito.

Kasalukuyang nakadetine si Duterte sa pasilidad ng ICC sa The Hague, Netherlands. Nahaharap siya sa mga paratang ng criminal responsibility kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang administrasyong kampanya kontra ilegal na droga, na ayon sa prosekusyon ay bahagi ng isang pambansang patakarang iniutos niya upang labanan ang kriminalidad at ilegal na droga. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here