SEOUL, South Korea – Magpapadala ang South Korea ng 44-member emergency relief team sa Nepal upang tumulong sa search-and-rescue operations matapos ang matinding pagbaha sa Rasuwa region.
Ayon sa South Korean Foreign Ministry, isinagawa ang deployment matapos humingi ng tulong ang Nepal para sa paghahanap at pagsagip sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Kasama sa team ang mga opisyal mula sa foreign ministry at fire agency. Aalis sila patungong Nepal sakay ng military transport aircraft at inaasahang mananatili roon nang humigit-kumulang 10 araw.
Nauna nang nagpadala ang South Korea ng rapid response team sa Nepal upang tumulong sa paghahanap sa siyam na South Korean workers na nawawala matapos ang pagbaha sa isang hydropower project.
Naantala ang unang pagtatangka ng team na makarating sa disaster area dahil sa flight restrictions na ipinatupad ng Nepalese military. Matapos makakuha ng pahintulot, nagsimula ang team ng aerial search missions noong Agosto 29.
Ang bagong emergency relief team ay tutulong sa mas malawak na search-and-rescue operations sa lugar na matinding naapektuhan ng baha. RNT/MDS