MANILA, Philippines – Kailangang maging sensitibo ng mga opisyal ng gobyerno sa kapwa filipino na nakararamdam ngayon ng hirap, trauma at kalungkutan matapos mabiktima ng matinding epekto ng malakas na pag-ulan at mataas pagbaha.
Napaulat na nakuha pa kasing magsuot ng branded na damit ng ilang government official sa naging pagbisita sa mga lugar na naapektuhan ng ilang linggong pagbaha.
Matatandaang, binanatan ng mga netizen si Pampanga Gov. Lilia Pineda at anak nitong si Pampanga Vice-Gov. Dennis Pineda dahil sa pagsusuot ng branded na damit nang bumisita sa mga lugar sa Pampanga na binaha dulot ng ilang linggong pag-ulan.
Nag-viral kasi ang mga larawan at mga video ng mga ito sa social media kung saan makikita si Vice Gov. Dennis na nakasuot ng Balmain black-and-white Balmain PB Labyrinthe monogram ensemble na libu-libo ang halaga.
Habang si Gov. Lilia naman ay naka-Prada Re-Nylon hooded jacket o raincoat nang inspeksyunin ang damage sa Sto. Cristo Dam, Lubao, Pampanga.
Sinasabing, kaliwa’t kanang pambebengga at pang-nenega ang ibinato sa mag-inang politiko dahil sa kanilang mga branded OOTD na libu-libo ang halaga.
Sa kabilang dako, walang mensahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungkol sa usaping ito ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ayon kay Castro, ang pagseserbisyo ay hindi aniya nakikita sa damit dahil nakikita ito sa gawa.
“Nakikita po ito kung visible ba iyong mga leaders at nandidiyan sila para tumulong. Maybe, ang sasabihin ng iba, bakit designer clothes pa ang suot. But sabi nga natin, hindi po nakikita ang pagtulong, ang serbisyong totoo sa damit ng isang lider. Mas maganda po, mayroon pong mga iba, napakasimple ng dating, t-shirt, pants, iyong iba nagpapaulan pa, pero wala namang natutulong. So mas maganda po na tingnan ang lider sa trabaho, sa gawa, hindi po sa damit,” ang pahayag ni Castro.
Binigyang diin pa ni Castro na alam naman ng mga opisyal na ito kung ano ang dapat na ikilos at kung paano dapat makisalamuha sa mga mamamayan.
“Hindi natin alam kung ang pagsusuot ng branded na iyan ay mura na sa kanila. So, depende, depende sa kanila, baka iyan ay—kung sa atin na ordinaryong tao ay napakamahal, baka sa kanila ay mura lang iyan. dahil, iyan ang kanilang nakagawian,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)