Home NATIONWIDE NIA itinanggi ghost, substandard projects; P233-B budget hirit sa 2027

NIA itinanggi ghost, substandard projects; P233-B budget hirit sa 2027

3
0

MANILA, Philippines — Itinanggi ng National Irrigation Administration (NIA) na mayroon itong ghost o substandard projects habang humihiling ng mas malaking pondo para sa 2027 upang matugunan ang kakulangan sa irrigation facilities sa bansa.

Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni NIA Administrator Eddie Guillen na wala umanong naiulat na ghost o substandard project sa ahensya at bukas silang ipasuri sa mga mambabatas ang kanilang mga proyekto. Kinumpirma ng House of Representatives na kabilang ang NIA sa mga ahensyang sumalang sa pagdinig para sa panukalang 2027 budget.

Humiling ang NIA ng ₱233 bilyong budget para sa susunod na taon ngunit ₱47.43 bilyon lamang ang nakapaloob sa panukalang National Expenditure Program, mas mababa rin sa humigit-kumulang ₱64 bilyong budget nito ngayong 2026.

Ayon kay Guillen, dahil sa limitadong pondo, karamihan sa mga nakapaloob sa kanilang budget proposal ay pagpapatuloy ng mga kasalukuyang proyekto at kakaunti lamang ang maidaragdag na bago.

Kinuwestiyon naman ni KAMANGGAGAWA Party-list Rep. Eli San Fernando ang paliwanag ng NIA at sinabing may mga magsasaka pa ring nagrereklamo hinggil sa kakulangan o problema sa irrigation projects.

“Please don’t throw the blame back at Congress,” ayon kay San Fernando, kasabay ng paggiit na may mga reklamo umano mula mismo sa mga magsasaka kaugnay ng kalidad at implementasyon ng ilang proyekto.

Iginiit naman ni Guillen na hindi niya sinisisi ang Kongreso at humihingi lamang ng dagdag na suporta dahil nasa mga mambabatas ang kapangyarihang maglaan ng pondo.

Inanyayahan din niya ang mga miyembro ng Kamara na personal na inspeksyunin ang mga proyekto ng NIA at makipag-usap sa mga magsasaka upang masuri ang aktuwal na implementasyon ng mga ito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here