MANILA, Philippines – Bilang paraan upang mapababa ang presyo ng kuryente para sa mga pamilyang Pilipino, nanawagan si Senator Bam Aquino sa pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad na alisin ang 12 porsiyentong value-added tax (VAT) sa residential electricity.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Aquino na maaaring magbigay ng mas malaking ginhawa sa mga consumer ang panukala, kasabay ng mga hakbang na alisin ang system loss charges sa kanilang mga bill sa kuryente.
“Kung tatanggalin po iyong VAT sa kuryente ng mga residential–hindi po mga negosyo, mga factory, but just residential, this could mean a bigger drop in the electricity bill of our citizens,” sabi ni Aquino sa economic managers ng gobyerno.
Kasabay ng pag-aalis ng system loss charges, na bumubuo ng humigit-kumulang 5 hanggang 6 porsiyento ng mga singil, sinabi ni Aquino na ang pagtanggal ng VAT sa residential electricity ay maaaring magresulta sa mababang singil sa kuryente ng mga kabahayan.
“Iyong VAT on electricity is 12 percent right away from the electricity bill. Baka this is something we can also look at,” dagdag pa niya.
Inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 266, na naglalayong gawing exempted sa VAT ang pagbebenta ng kuryente ng mga kumpanyang nasa generation, transmission, at distribution, gayundin ng mga electric cooperative.
Kapag naisabatas, sinabi niyang makatutulong ang panukala na mapababa ang presyo ng kuryente sa pamamagitan ng pagtanggal sa buwis na ipinapasa sa mga konsyumer.
Sa ilalim ng panukala ni Aquino, ang pagbebenta ng kuryente ng mga kumpanyang nasa generation, transmission, at distribution, kabilang ang mga electric cooperative, ay ituturing na VAT-exempt transactions.
Layunin din ng panukalang batas na gawing exempted sa VAT ang mga serbisyo ng mga franchise grantee ng mga electric utility.
Bukod sa pag-aalis ng VAT sa kuryente, inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047 na naglalayong ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento sa mga bilihin at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo. Ernie Reyes