Home NATIONWIDE SSS mag-aalok ng ‘gang P400-K solar energy loan sa 2027

SSS mag-aalok ng ‘gang P400-K solar energy loan sa 2027

3
0

MANILA, Philippines — Maglulunsad ang Social Security System (SSS) ng Energy Sustainability Loan Program sa 2027 na magbibigay sa mga kuwalipikadong miyembro ng financing para sa pag-install ng residential solar energy systems.

Sa briefing nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni SSS President at CEO Robert Joseph de Claro na pinag-aaralan ang loan package na nasa ₱200,000 hanggang ₱400,000, na maaaring bayaran sa loob ng apat hanggang pitong taon.

Target ng SSS na matapos ang guidelines ng programa bago matapos ang 2026 at ilunsad ito sa una o ikalawang quarter ng 2027.

Humigit-kumulang ₱40 bilyon ang planong ilaan ng pension fund para sa programa.

Ayon kay de Claro, mahalagang mailatag muna ang mechanics at safeguards upang matiyak na magagamit ang uutanging pera sa pagbili at pag-install ng solar system sa tahanan.

Pinag-aaralan din ng SSS kung maaaring palawakin ang programa upang magamit ang loan bilang down payment sa electric vehicle, bagaman wala pang pinal na patakaran hinggil dito.

Nauna nang inanunsyo ng SSS na binubuo nito ang Energy Sustainability Loan Program bilang tugon sa tumataas na gastusin sa kuryente at upang mahikayat ang paggamit ng renewable energy sa mga tahanan. Sa naunang plano, maaaring umabot sa pitong taon ang repayment period ng residential solar financing.

Sinabi ng SSS na bubuuin ang programa nang hindi isinasantabi ang safeguards at pangmatagalang sustainability ng pondo ng mga miyembro. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here