Home NATIONWIDE Poa: VP Sara, fund handlers lang may alam sa paggamit ng DepEd...

Poa: VP Sara, fund handlers lang may alam sa paggamit ng DepEd confi funds

4
0

MANILA, Philippines — Si Vice President Sara Duterte at mga opisyal na direktang humawak sa P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education (DepEd) lamang ang may personal na kaalaman kung paano ginamit ang pondo, ayon sa testimonya ni dating DepEd Undersecretary Michael Poa nitong Miyerkoles.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, sinabi ni Poa na wala siyang personal na kaalaman sa aktuwal na paggastos ng confidential funds kahit siya ang naatasang tumugon sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit (COA).

Kinilala ni Poa sina Duterte at dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda bilang mga taong may kaalaman sa paggamit ng pondo. Kalaunan ay idinagdag niya si dating DepEd security officer Col. Dennis Nolasco matapos niyang malaman sa House hearing noong 2024 na dito umano ibinigay ni Fajarda ang tatlong tig-P37.5 milyong release.

Tumestigo rin si Poa na ipinaalam niya kay Duterte nang matanggap ang AOM at humingi ng pahintulot na makipag-ugnayan kay Fajarda upang ihanda ang tugon ng DepEd sa COA.

Ayon kay Poa, ipinaalam din niya kay Duterte ang nilalaman ng kanilang sagot at binigyan ito ng soft copy isang araw bago isumite sa COA.

Sa pagtatanong ng prosekusyon, kinumpirma rin ni Poa na wala siyang personal na kaalaman kung ang impormasyong umano’y binili gamit ang confidential funds ay talagang humantong sa matagumpay na intelligence operations.

Nilinaw din niyang walang confidential funds ng DepEd na ibinigay sa Armed Forces of the Philippines para sa Youth Leadership Summits na tinukoy sa mga military certification na ginamit bilang supporting documents sa liquidation.

Nauna nang tumestigo sina Army Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio na ang kanilang mga certification ay hindi ginawa upang patunayan o i-account kung paano ginastos ng DepEd ang confidential funds.

Idineklara ng Senate Impeachment Court si Poa bilang hostile witness, dahilan upang payagan ang prosekusyon na magtanong sa kanya gamit ang leading questions. Siya ang ikatlong prosecution witness na idineklarang hostile sa paglilitis.

Ang P112.5 milyong DepEd confidential funds ay bahagi ng Article I ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa alegasyon ng misuse, misappropriation at irregular liquidation ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng DepEd at Office of the Vice President. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here