Home NATIONWIDE DepEd, kailangan ng P7.8B sa pagsasaayos ng mga nasirang paaralan dahil sa...

DepEd, kailangan ng P7.8B sa pagsasaayos ng mga nasirang paaralan dahil sa mga bagyo, Habagat

3
0

MANILA, Philippines – Tinatayang P7.8 bilyon ang kailangan ng Department of Education (DepEd) para sa paglilinis, pagkukumpuni at muling pagtatayo ng libu-libong paaralan at silid-aralan na napinsala ng mga bagyo at malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa pondo ang clean-up at clearing operations, major at minor repairs, at reconstruction ng mga paaralang tuluyang nasira.

Umaabot sa P5.62 bilyon ang kailangan para sa 490 paaralang completely damaged, habang nasa P1.2 bilyon naman ang kailangan para sa major repairs ng 669 paaralan.

“The DepEd’s priority is swift clearing operations and repairing the damage to our schools to safely return children to their classrooms or guide them using flexible learning modes,” ani Angara.

“We are immediately allocating the necessary assistance for school repairs, while ensuring that the condition of our teachers and students remains safe and secure,” dagdag niya.

Batay sa ulat ng DepEd at Office of Civil Defense, 2,243 paaralan at 11,167 silid-aralan ang napinsala dahil sa malawakang pagbaha at epekto ng mga bagyo at malalakas na ulan.

Pinakamalubhang naapektuhan ang Central Luzon, kung saan 622 paaralan at 4,025 silid-aralan ang napinsala. Kabilang dito ang 946 na tuluyang nawasak, 806 na major damage at 2,274 na minor damage.

Sa Pampanga, 250 paaralan at 1,752 silid-aralan ang naapektuhan, bukod sa pinsala sa 5,369 learning materials, 66 IT equipment at 6,351 upuan.

Sa Zambales, 21 paaralan at 82 silid-aralan ang nasira.

Sa Tarlac, 23 sa 99 paaralan sa Tarlac City ang nahiwalay matapos gumuho ang Aquino Bridge at Agana Bridge. Dahil dito, lahat ng 99 public schools sa lungsod ay gumamit ng alternative delivery modes mula Setyembre 1 hanggang 5.

Sa buong lalawigan ng Tarlac, 786 silid-aralan sa 96 paaralan ang napinsala.

Samantala, 1,748 silid-aralan sa 443 paaralan sa buong bansa ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here