MANILA, Philippines — Sinira ng Bureau of Customs–Manila International Container Port (BOC-MICP) ang limang container ng smuggled na sigarilyo at tuyong dahon ng tobacco na nagkakahalaga ng ₱179.03 milyon.
Sa halip na hayaang muling kumalat at kumita ang mga nasa likod ng ilegal na kalakalan, tiniyak ng BOC na tuluyan nang mawawala sa sirkulasyon ang mga nakumpiskang kontrabando.
Isinagawa ang tatlong araw na pagsira sa mga produkto mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 2, 2026 sa Greenleaf88 Non-Hazardous Waste Disposal Facility sa Porac, Pampanga.
Apat sa limang container ang naglalaman ng mga sigarilyong may tatak na Platinum, Cannon, King Philip, Lasa, Modern at H&P, habang ang natitirang container ay kargado ng tuyong dahon ng tabako.
Ayon sa BOC, sumailalim sa 100 porsiyentong physical examination ang mga kargamento noong Oktubre 8, 2025 bago tuluyang kumpiskahin pabor sa pamahalaan dahil sa mga paglabag sa Graphic Health Warnings Law, TRAIN Law at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi sapat ang basta pagsabat sa mga ilegal na produkto dahil kailangang matiyak na hindi na makababalik ang mga ito sa merkado.
Layunin din ng hakbang na maprotektahan ang kalusugan ng publiko, maiwasan ang pagkalugi ng pamahalaan sa buwis at mapangalagaan ang mga lehitimong negosyong sumusunod sa batas.
Ayon kay Nepomuceno, ang wastong pagsira sa mga kontrabando ay bahagi ng mas mahigpit na kampanya ng ahensiya laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan.
Samantala, iginiit ni Manila International Container Port District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV ang kahalagahan ng pagsunod sa mga legal na proseso hanggang sa huling yugto ng disposisyon ng mga nakumpiskang produkto.
Sa pamamagitan nito, tiniyak ng BOC-MICP na hindi lamang nagtatapos sa pagkumpiska ang operasyon, kundi umaabot hanggang sa tuluyang pag-aalis ng mga ilegal na kalakal sa merkado.
Patuloy namang paiigtingin ng Bureau of Customs ang pagpapatupad ng mga batas sa adwana upang masugpo ang smuggling, mapangalagaan ang kita ng bansa at maprotektahan ang interes ng publiko laban sa mga produktong ipinapasok nang labag sa batas. Jay Reyes