Home METRO P7.3M ilegal yosi, nasabat sa Zamboanga

P7.3M ilegal yosi, nasabat sa Zamboanga

3
0
Image Representation Only

ZAMBOANGA, Philippines – Umabot sa P7.3 milyon ang halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes na nasabat ng Police Regional Office-9 (PRO-9) sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga del Norte, Zamboanga City at Pagadian City mula Agosto 31 hanggang Setyembre 2.

Ayon kay Maj. Shellamie Chang, tagapagsalita ng PRO-9, isang 47-anyos na driver mula Zamboanga City ang inaresto sa Salug, Zamboanga del Norte noong Setyembre 1 matapos maharang ang kanyang Nissan Livina sa checkpoint sa Barangay Canawan. Nakumpiska rito ang 1,049 reams ng hinihinalang ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P4,133,060.

Noong Agosto 31 naman, natagpuan ng mga pulis ang isang inabandunang minivan sa highway ng Barangay Bolong, Zamboanga City. Naglalaman ito ng 48 kahon ng iba’t ibang hinihinalang smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P1,014,510. Ipinasa ang mga ito sa Bureau of Customs (BOC) District Office 9.

Sa Pagadian City noong Setyembre 1, nasabat din ang 13 master cases ng hinihinalang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P744,900 mula sa isang “bao-bao” o motorized tricycle. Dalawang suspek ang naaresto.

Noong Setyembre 2, nakarekober naman ang Regional Intelligence Division at Regional Special Operations Unit ng PRO-9 ng 25 master cases ng smuggled cigarettes na iniwan sa baybayin ng Barangay Sinunuc, Zamboanga City. Tinatayang P1,432,500 ang halaga ng mga ito.

Ang lahat ng nasabat na kontrabando at mga sasakyan ay nasa kustodiya ng pulisya at pormal na isusuko sa BOC para sa tamang disposisyon.

Kinasuhan ang mga naarestong suspek dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here