DAVAO DEL NORTE, Philippines – Pinaigting ng administrasyong Marcos ang programa para sa pagbabalik ng mga dating rebelde para sa mapayapa at produktibong pamayanan, kasabay ng pagbibigay ng tulong pang-hanapbuhay sa kanilang mga organisasyon.
Inihayag ito ni Special Assistant to the President Anton F. Lagdameo Jr. sa kanyang keynote message sa 1st Balay Kalinaw Former Rebels Peace Summit sa lalawigang ito ngayong Huwebes kung saan nagtipon ang mga dating rebelde, kanilang pamilya at mga kinatawan ng iba’t ibang people’s organizations.
Sinabi ni Lagdameo na ang kapayapaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hindi lamang tungkol sa pagtigil ng armadong tunggalian kundi sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga dating rebelde na makapagsimulang muli.
Malinaw aniya ang direktiba ni Marcos na ang pagbabalik ng mga dating rebelde sa mapayapang pamumuhay ay dapat samahan ng kabuhayan, pag-unlad at mga oportunidad para sa mas magandang kinabukasan.
Sinabi ni Lagdameo na ang mga dating rebelde na piniling bumalik sa kanilang pamilya at komunidad ay gumawa ng mahalagang hakbang tungo sa pagbabago, kaya nararapat lamang na suportahan sila ng pamahalaan sa kanilang bagong buhay.
Binanggit niya ang mahigit ₱17.5 milyon na inilaan noong Hunyo ng Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity para sa operationalization ng Balay Kalinaw Peace and Development Center.
Ang Balay Kalinaw ang nagsisilbing convergence hub ng mga programa para sa transformation at reintegration ng mga dating rebelde, kanilang pamilya at mga komunidad.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong sa okasyon ang sustainable livelihood grants para sa farming at general merchandising, coconut seedlings at socioeconomic assistance para sa mga organisasyon ng dating rebelde.
Naglaan din si Lagdameo, mula sa pondo ng kanyang pamilya, ng kabuuang ₱2 milyon para sa socioeconomic assistance ng tatlong people’s organizations – ₱500,000 para sa KALINAW Southeastern Mindanao Region, ₱250,000 para sa KAMANYAN Riverside Farmers Association at ₱250,000 para sa NAPO Farmers Association.
Binigyang-diin ni Lagdameo na ang tulong ay hindi dapat ituring na simpleng ayuda lamang kundi isang puhunan para sa panibagong buhay.
Hinimok niya ang mga benepisyaryo na gamitin nang maayos ang tulong, palaguin ang kanilang kabuhayan at, sa paglipas ng panahon, maging katuwang din ng iba pang nais magsimulang muli.
Ayon kay Lagdameo, ang mga dating rebelde mismo ang maaaring maging halimbawa na posible ang pagbabago at na hindi armadong pakikibaka ang solusyon para makamit ang mapayapa at maunlad na komunidad.
Tampok din sa summit ang panunumpa ng mga opisyal ng former rebels’ people’s organizations, mga mensahe mula sa mga opisyal ng pamahalaan at militar, at ang kolektibong paninindigan ng mga dating rebelde at stakeholders na itaguyod ang kapayapaan at kaunlaran.
Opisyal ding binuksan ng aktibidad ang pagdiriwang ng Davao del Norte ng National Peace Consciousness Month sa ilalim ng temang, “Gikan sa Kagahapon, Padulong sa Malinawon og Mainuswagon nga Kaugmaon,” o “Mula sa Nakaraan, Patungo sa Isang Mapayapa at Maunlad na Kinabukasan.”
Binati rin ni Lagdameo ang Ata Manobo Former Rebels Association sa ikalawang anibersaryo nito at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasama sa mga komunidad ng Ata Manobo sa pag-unlad ng Davao del Norte.
Pinasalamatan din niya ang Armed Forces of the Philippines at ang provincial government sa patuloy na suporta sa mga dating rebelde at kanilang pamilya.
Para kay Lagdameo, ang peace vision ni Pangulong Marcos ay isang kapayapaang hindi lamang nakikita sa kawalan ng armadong labanan kundi nararamdaman sa araw-araw sa pamamagitan ng kabuhayan, oportunidad at inklusibong pag-unlad.
Aniya, maaaring hindi na mabago ang nakaraan, ngunit maaaring piliin ng bawat isa kung anong uri ng kinabukasan ang kanilang bubuuin. RNT