Home NATIONWIDE DSWD nanawagan ng bukas na komunikasyon sa Nat’l Suicide Prevention Month

DSWD nanawagan ng bukas na komunikasyon sa Nat’l Suicide Prevention Month

3
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon at emosyonal na suporta ngayong National Suicide Prevention Month sa Setyembre.

Ayon kay DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao noong Huwebes, Setyembre 3, maraming Pilipino ang nakararanas ng anxiety, depression at iba pang mental health issues dahil sa mabibigat na problema.

“Hindi maipagkakaila na maraming Pilipino ngayon ang nakararanas ng anxiety, depression, o iba pang mental health issues dahil sa matinding problema. Tulad ng laging sinasabi ni Secretary Rex Gatchalian, minsan kailangan lang nating mapagkakatiwalaan at makakausap para gumaan ang ating pasanin, at maliwanagan sa kung ano ang dapat nating gawin,” sabi ni Dumlao.

Sinabi niyang patuloy na gumagawa ang DSWD ng mga programa para sa kalusugan ng isip at upang matiyak na may makukuhang tulong ang publiko. Binigyang-diin din ng ahensya na ang pagpapakamatay ay hindi kailanman solusyon.

Batay sa datos ng World Health Organization na inilathala noong Agosto 28, mahigit 720,000 katao sa buong mundo ang namamatay dahil sa pagpapakamatay bawat taon.

Sa Metro Manila, nakapagtala ang National Capital Region Police Office ng 111 kaso ng pagpapakamatay sa unang tatlong buwan ng 2026, mas mataas sa 33 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.

“Bukas po ang DSWD, ang ating mga field offices, at ating mga social media pages para po sa mga naghahanap ng makakausap o nagnanais ng payo. Ang ating mga social worker ay nakahanda rin anumang oras para tumugon at malapit sa inyo ang iba pang programa ng DSWD na makatutulong upang makaalis kayo sa inyong krisis na pinagdadaanan,” pahayag ni Dumlao.

Ipinakilala rin ng DSWD ang Tara, Usap!, isang inisyatibang isinama sa Tara, Basa! Programa. Layunin nitong magbigay ng ligtas at suportadong espasyo para sa mga kabataan upang makapag-usap, maibahagi ang kanilang karanasan, maipahayag ang sarili at mapalakas ang kanilang kagalingan.

“We are now in the pilot implementation of Tara, Usap! Initiative in Valenzuela City, led by youth beneficiaries na nagsilbing Tutors and Youth Development Workers (YDWs) din sa 20-day Tara, Basa! sessions. Very timely ang programang ito lalo na ngayong National Suicide Prevention Month, dahil hindi na-normalize ang pakikipag-usap at pagbabalik-loob ng mga kaibigan,” sabi ni Dumlao.

Ang Tara, Usap! ay nagsisilbing school- at community-based Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) program. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here