MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na sanib-puwersang tugunan ang problema ng pagbaha sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) at tiyaking hindi na mauulit ang traffic paralysis dulot ng malakas na pag-ulan.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos ang pagbaha sa San Simon at ibang bahagi ng NLEX dahilan ng major traffic congestion, kung saan tumagal ng ilang oras ang byahe ng mga motorista at mga awtoridad sa pagpapatupad ng dibersiyon at temporary closures sa mga apektadong seksyon.
Sinabi ni Castro na nag-deploy ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng high-capacity pumps para alisin ang baha mula NLEX, katulong nito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Idinagdag pa niya na tinukoy ng DPWH at NLEX Corp. ang pagkakabit ng sheet piles para mapigilan ang tubig na umapaw mula sa Tulaoc River patungong expressway.
Ang iba pang panukalang hakbang ay palalimin ang Tulaoc River para magsilbi bilang karagdagang imbakan para sa pumped-out water at tumulong na pigilan ang ilog mula sa pag-apaw patungong NLEX sa panahon ng high tide o matagal na pag-ulan.
Nauna nang inanunsyo ng Malakanyang ang libreng toll passage para sa lahat ng sasakyan sa piling bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) upang makatulong sa mga motorista na naapektuhan ng matinding trapiko dahil sa pagbaha sa Pampanga.
Ani Castro, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Marcos na tulungan ang mga motorista at pasaherong naipit sa matinding trapiko dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Sinabi ni Castro na inihayag ni Transportation Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na libre ang toll fee para sa lahat ng sasakyang bibiyahe mula Pulilan, Bulacan patungong San Fernando, Pampanga, at pabalik, simula araw ng Miyerkules, Setyembre 2.
Tinuran pa ni Castro na gumaan na ang trapiko sa northbound lanes, partikular sa Tulaoc at San Simon interchange areas, na labis na naapektuhan ng sunod-sunod na pag-ulan.
Sa Tulaoc, ang northbound lane one ay maaari nang madaanan ng lahat ng sasakyan, habang lane two ay bukas lamang sa Class 2 at Class 3 vehicles, at ang lane three ay nananatiling nakasara.
Sa Southbound, ang lane one at lane two ay maaari nang madaanan ng lahat ng klase ng sasakyan habang nananatili namang nakasara ang lane three.
Sa San Simon interchange, ang northbound lane one ay maaari nang madaaan ng lahat ng sasakyan, ang lane two ay bukas lamang sa Class 2 at Class 3 vehicles, at lane three naman ay nananatiling nakasara.
Ang Southbound lane one ay maaari nang madaanan ng lahat ng sasakyan, ang lane two ay bukas lamang sa Class 2 at Class 3 vehicles, habang ang lane three ay nananatiling nakasara.
Nananatili namang maayos ang trapiko sa ibang bahagi ng NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), ayon kay Castro. (KRIS JOSE)