Home METRO DFA, humirit ng DNA sample sa pamilya ng missing Pinoy doctor sa...

DFA, humirit ng DNA sample sa pamilya ng missing Pinoy doctor sa Nepal

2
0

MANILA, Philippines – Humingi ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng DNA sample mula sa pamilya ng Pilipinong doktor na nawawala kasunod ng malawakang pagbaha sa Nepal upang makatulong sa identification process habang nagpapatuloy ang search operations.

Ayon kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga lokal na awtoridad at international organizations upang mahanap ang nawawalang Pilipino, na kinilalang si Dr. Juan Carlos Manalo.

Kinumpirma naman ng Nepal Police na nagsasagawa ito ng DNA testing para matukoy ang mga bangkay, body parts at remains na narekober matapos ang pagbaha sa Bhote Koshi River sa Rasuwa noong Agosto 26. Hinihikayat ang pinakamalapit na first-degree relatives gaya ng ama, ina, anak na lalaki o anak na babae na magbigay ng DNA sample para sa matching process.

Si Manalo ay kabilang sa mga nawawala matapos ang mapaminsalang flash flood sa Nepal-China border. Nauna nang nanawagan ang kanyang pamilya ng tulong matapos mawalan ng komunikasyon sa kanya habang nasa pilgrimage tour sa lugar.

Mahigit 4,200 katao ang nananatiling nawawala sa Nepal habang nagpapatuloy ang malawakang search and rescue operations matapos ang kalamidad noong Agosto 26.

Batay sa isang ulat, sinabi ng kapatid ni Manalo na wala pang DNA sample na nakokolekta mula sa kanilang mga magulang nitong Huwebes ng hapon, bagama’t nakikipag-ugnayan na umano ang pamilya sa Philippine Embassy, DFA at National Bureau of Investigation hinggil sa proseso.

Patuloy namang hinihintay ng pamilya ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan at kalagayan ni Manalo. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here