MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi reklamo ang kanyang naunang pahayag na “pagod na pagod” siya sa trabaho sa Senado, kasunod ng batikos na natanggap niya sa social media.
Ayon kay Zubiri, inilalarawan lamang niya ang kanyang kalagayan sa gitna ng sabay-sabay na budget hearings, regular sessions at impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“No, I’m not complaining. I’m being honest,” ani Zubiri sa press conference nitong Huwebes.
Iginiit niyang handa pa rin silang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga senador at impeachment court judges kahit abutin pa ng buong araw ang trabaho.
“If we have to work 24/7, gagawin namin 24/7,” dagdag niya.
Umani ng puna online si Zubiri matapos niyang sabihin sa ika-21 araw ng impeachment trial na “pagod na pagod” siya dahil umaabot umano mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi ang kanyang trabaho.
Sa kasalukuyang iskedyul, idinaraos ang impeachment trial mula Lunes hanggang Miyerkules bago ang regular plenary session ng Senado, habang karaniwang nakalaan ang Huwebes at Biyernes sa mga pagdinig, kabilang ang deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
Ipinagtanggol naman ni Sen. Robin Padilla si Zubiri at sinabing hindi pagrereklamo ang pahayag nito kundi paglalarawan lamang sa bigat ng trabaho ng mga senador.
Ani Padilla, kilala si Zubiri bilang masipag at nais lamang nitong ipakita ang hamon ng pagsabay-sabay sa maraming tungkulin sa Senado. RNT