Home METRO Mahigpit na batas sa paggamit ng confi, intel funds, binubuo ng House...

Mahigpit na batas sa paggamit ng confi, intel funds, binubuo ng House prosecutors

3
0

MANILA, Philippines – Bumabalangkas ang ilang miyembro ng House prosecution panel ng panukalang batas na maglalagay sa batas ng mas mahigpit na safeguards sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, pinag-aaralan ng panel ang paghahain ng isang “Confidential and Intelligence Fund Integrity bill” na magko-codify sa umiiral na Commission on Audit (COA) rulings at guidelines.

Kabilang sa mga probisyong tinitingnan ang mas malinaw na patakaran sa pag-upa at dokumentasyon ng safe houses, paggamit ng aliases o codenames, at kung sino lamang ang maaaring humawak at mag-disburse ng confidential funds.

Sinabi ni Ridon na maaari ring magtakda ang panukala ng mekanismo upang matukoy ng awtorisadong ahensya ang tunay na identidad ng mga taong gumagamit ng alias nang hindi inilalantad sa publiko ang sensitibong impormasyon.

Pinag-aaralan din kung dapat bang limitahan ang confidential funds sa information-gathering at iba pang kaugnay na confidential activities, at kung maaari itong gamitin sa pagbili ng mga produkto gaya ng gamot.

Kasama rin sa pinag-aaralan ang posibilidad ng penal provisions laban sa mga lalabag sa itatakdang safeguards, bukod sa pagbalik lamang ng pondong napatunayang hindi wastong nagamit.

Sa kasalukuyan, pangunahing nakabatay ang paggamit, liquidation at audit ng confidential at intelligence funds sa Joint Circular No. 2015-01 na inilabas ng COA, Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense at Governance Commission for GOCCs.

Sinabi ni Ridon na target ng panel na makabuo ng draft ng panukala sa loob ng dalawang linggo matapos nitong matapos ang presentasyon hinggil sa confidential funds sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Wala pang natutukoy na counterpart measure sa Senado at hindi pa pinal ang magiging mga probisyon at authorship ng panukala. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here