MANILA, Philippines – Ibinunyag ng personal assistant ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na inuutusan umano siya ng kanyang dating amo na punitin at itapon ang mga acknowledgment receipt para sa perang inihahatid kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ito ang testimonya ni Wirt Walter Rosales noong Huwebes, sa ikaanim na araw ng bail hearing sa Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez. Kaugnay ang kaso sa umano’y P7.4 bilyong nakuhang kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura ng gobyerno.
Ayon kay Rosales, na nagsabing partner siya ng kapatid ni Alcantara, si suspendidong engineer Carlo Rivera ang nagpi-print ng mga resibo na nilalagdaan naman nina John Paul Estrada at Mark Tecsay, mga executive assistant ni Co.
Matapos ipakita ni Rosales ang mga resibo kay Alcantara, inuutusan umano siya nitong itapon ang mga ito.
“Pinapakita ko po kay Henry Alcantara na okay na po ang acknowledgment receipt. Inuutos niya po sa akin na itapon na po,” ani Rosales.
Nakalagay umano sa mga resibo ang kabuuang halagang inihatid, ngunit hindi tinutukoy ang bilang ng mga maleta o plastic container box na ginamit sa pagdadala ng pera. Tinatayang P300 milyon ang pinakamalaking halagang naaalala niyang nakasulat sa isang resibo.
Sinabi ni Rosales na iminungkahi niyang gumawa ng mga resibo dahil hindi palaging nakakasama si Alcantara sa mga nagdadala ng pera.
Gumawa rin umano siya ng hiwalay na talaan ng mga proyekto sa imprastraktura, nakalaang pondo at katumbas na porsiyento ng kickback. Iniwan umano ang talaang ito sa mga executive assistant ni Co.
Ayon kay Rosales, binibilang ang perang ihahatid kay Co sa isang silid sa opisina ni Alcantara na tinawag niyang “secret room.” Tumulong umano siya kay Rivera sa pagbibilang bago ilagay ang pera sa mga plastic container box o maleta.
Narinig din umano niya sina Alcantara at Rivera na nag-uusap na galing sa mga contractor ang pera.
Noong unang bahagi ng 2022, mga plastic container box ang ginagamit sa paghahatid sa unit ni Co sa Horizon Homes sa Bonifacio Global City, Taguig. Naalala ni Rosales ang tatlong paghahatid sa basement ng gusali.
Pagsapit naman ng Enero 2023, mga maleta na umano ang ginagamit sa paghahatid sa isang property sa Valle Verde.
Sinabi ni Rosales na nakasama niya si Alcantara sa ilang paghahatid, ngunit hindi siya naroroon sa lahat ng transaksiyon. May mga pagkakataon ding nananatili si Alcantara sa isang coffee shop habang dinadala nila ang mga lalagyan sa mga unit ni Co.
Tinataya ni Rosales na maaaring lumampas sa P1 bilyon ang kabuuang perang naihatid kay Co.
Iniharap din ng prosekusyon si Police Major Ermelo Dichoso Jr., dating team leader ng security detail ni Co mula Enero 2024 hanggang Mayo 2025. Layunin umano ng kanyang testimonya na patunayan ang hinihinalang sabwatan nina Co at Romualdez.
Ayon kay Dichoso, sinamahan niya si Co sa mga pagpupulong sa ilang ari-ariang iniuugnay ng prosekusyon kay Romualdez: isang property sa Aguado Street sa Maynila, dalawang unit sa Manila Polo Club Townhouse sa Forbes Park, Makati, at mga property sa Narra Road at Tamarind Road, na nasa Forbes Park din.
Sinabi rin niyang nasaksihan niya ang pagbibigay ni Co ng damit bilang regalo kay Romualdez sa property sa Narra Road noong Disyembre 2024.
Nagkasundo ang prosekusyon at depensa sa pagiging tunay ng mga titulo ng lupa para sa tatlong property: ang nasa McKinley Road na nakarehistro kay Romualdez, ang nasa Narra Road na nakarehistro sa Brightnews, at ang nasa Tamarind Road na nakarehistro sa Golden Pheasant Holdings Corp.
Inilarawan ng prosekusyon ang Brightnews at Golden Pheasant bilang mga kumpanyang may hawak ng mga ari-arian para sa kapakinabangan umano ni Romualdez.
Samantala, sinabi ng Sandiganbayan Third Division na wala pa itong natatanggap na update mula sa mga law enforcement agency tungkol sa pagpapatupad ng mga arrest warrant laban sa mga kapwa akusado ni Romualdez, kabilang sina Co, Joselyn Serenio na tauhan ni Romualdez, at Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp. RNT/MDS