BULAKAN, Bulacan – Itinanggi ni San Miguel Corp. president and CEO Ramon S. Ang na ang itinatayong New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan ang sanhi ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Ang, kabilang sa nakikita niyang pangunahing dahilan ng pagbaha ang mababang elevation ng ilang lugar, makikitid at paikot-ikot na ilog, mabababang tulay at mga istrukturang nakahahadlang sa natural na daloy ng tubig.
Iginiit din niya na hindi reclamation project ang NMIA at nasa umiiral na shoreline area umano ang proyekto. Ayon kay Ang, napapalibutan ng malalaking ilog ang airport site at hindi umano nagpapakita ang water-level monitoring doon ng pagtaas na magpapatunay na ito ang sanhi ng pagbaha.
Ang pahayag ay tugon sa mga grupong kabilang sa “Kilos Bulacan,” na nanawagan na suspendihin ang reclamation at airport-related developments habang iniimbestigahan ang mga posibleng salik sa lumalalang pagbaha sa lalawigan. Iginiit ng mga grupo na dapat ding suriin ang epekto ng environmental degradation, land conversion at flood-control projects.
Samantala, nananatiling aktibo ang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng mga solusyon sa problema sa baha. Nakipagpulong nitong Setyembre 3 si Bulacan Gov. Daniel Fernando sa Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya upang palakasin ang river dredging, clearing operations at pag-alis ng mga bara sa drainage systems.
Nauna nang isinailalim ang buong Bulacan sa state of calamity matapos ang malawakang pagbaha at pinsalang dulot ng habagat at magkakasunod na bagyo noong Agosto. RNT