WASHINGTON — Lalong lumalayo ang mundo sa target nitong mapigilan ang mapanganib na pag-init ng planeta, kung saan isa sa mga pangunahing dahilan ang pag-atras ng United States sa Paris Agreement, ayon sa bagong ulat ng United Nations Environment Programme (UNEP).
Sa Emissions Gap Report 2026, tinatayang maaaring umabot sa 2.8 degrees Celsius above pre-industrial levels ang global warming ngayong siglo kung magpapatuloy lamang ang kasalukuyang mga polisiya ng mga bansa.
Kahit ganap namang matupad ng mga bansa ang kanilang Nationally Determined Contributions o mga ipinangakong climate actions at magpatuloy ang kahalintulad na pagkilos, maaari pa ring umabot sa 2.6°C ang pag-init ng mundo.
Mas mataas ang projection kumpara noong nakaraang taon, na ayon sa UNEP ay bunga ng pag-withdraw ng US sa Paris Agreement at revised estimates sa historical greenhouse gas emissions.
Naitala rin ng report ang malaking pagtaas sa emissions ng US noong 2025.
Tumaas ng tinatayang 133 megatons of carbon dioxide equivalent ang emissions ng Amerika, bunsod umano ng pagtaas ng demand sa kuryente at muling paglakas ng coal-fired power generation.
Sa 124 bansang nakapagtala ng pagtaas sa emissions noong 2025, umabot sa 189 million tons ang pinagsamang dagdag, kung saan humigit-kumulang 70 porsiyento ang nagmula sa US.
Samantala, 63 bansa, kabilang ang maraming European nations, ang nakapagtala naman ng pagbaba sa kanilang emissions.
Malayo pa sa Paris Agreement target
Ang projected na 2.6°C hanggang 2.8°C warming ay lampas sa layunin ng 2015 Paris Agreement na panatilihing well below 2°C ang global temperature increase at magsikap na limitahan ito sa 1.5°C above pre-industrial levels.
Ayon sa UNEP, hindi na maiiwasan ang pansamantalang paglampas sa 1.5°C threshold, kaya nakatuon ngayon ang hamon sa pagpigil na lumala at tumagal ang tinatawag na overshoot.
Sa pinaka-ambisyosong scenario ng report, maaaring limitahan sa 1.7°C hanggang 1.8°C ang peak warming bago muling maibaba sa 1.5°C o mas mababa pagsapit ng 2100.
Para mangyari ito, sinabi ng UNEP na kailangang bawasan ang global greenhouse gas emissions ng 18 porsiyento sa 2030, 45 porsiyento sa 2035 at 69 porsiyento sa 2040, kumpara sa 2025 levels.
Sa kasalukuyang climate pledges ng mga bansa, tinatayang 5 hanggang 8 porsiyento lamang ang mababawas sa emissions pagsapit ng 2030 at 11 hanggang 15 porsiyento sa 2035.
Binigyang-diin ni UN Secretary-General António Guterres na bagama’t kulang ang kasalukuyang pagkilos ng mundo, mayroon pa ring pagkakataong bawasan ang tindi at tagal ng global warming overshoot.
Nagbabala naman ang UNEP na bawat karagdagang bahagi ng isang degree ng pag-init ay nagpapataas sa panganib ng matitinding heat wave, pagbaha, wildfire at iba pang epekto ng climate change. RNT