Home NATIONWIDE COMELEC, ipinaliwanag hatian ng 40 party seats sa BARMM polls

COMELEC, ipinaliwanag hatian ng 40 party seats sa BARMM polls

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) kung paano hahatiin ang 40 party representation seats sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Hindi awtomatikong magkakaroon ng puwesto sa Bangsamoro Parliament ang lahat ng regional parliamentary political parties (RPPP). Sa ilalim ng amended Bangsamoro Electoral Code, kailangang makakuha muna ang isang partido ng hindi bababa sa 2.5 porsiyento ng kabuuang valid votes cast sa party representation election upang maging kwalipikado sa seat allocation.

Kapag natukoy na ang mga partidong nakapasa sa threshold, kukuwentahin ang bahagi ng boto ng bawat kwalipikadong partido kumpara sa pinagsamang boto ng lahat ng qualified RPPP.

Ang makukuhang proporsyon ay imu-multiply sa 40 upang matukoy ang paunang bilang ng kanilang mga puwesto. Kapag may decimal ang resulta, iro-round down ito sa pinakamalapit na whole number.

Kung may matitira pang puwesto matapos ang unang alokasyon, ipamamahagi ang mga ito nang tig-iisang seat batay sa ranking ng mga kwalipikadong partido mula sa may pinakamataas na boto hanggang mapuno ang lahat ng 40 puwesto. Ang sistemang ito ay nakabatay sa proportional representation.

Paalala ng COMELEC, iisa lamang na regional political party ang iboboto ng bawat botante para sa party representation portion ng balota.

May kabuuang 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament: 40 para sa party representatives, 32 para sa parliamentary district representatives at walong reserved at sectoral representatives.

Ibinaba ngayong 2026 sa 2.5 porsiyento ang qualification threshold mula sa dating 4 porsiyento bilang bahagi ng mga amyenda sa Bangsamoro Electoral Code. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here