MANILA, Philippines – Agad na ipatutupad ng Senado ang preventive suspension orders laban kina Sens. Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta sa sandaling matanggap ang mga kautusan mula sa Sandiganbayan, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian nitong Miyerkules na wala pa sa kanyang tanggapan ang kopya ng suspension orders laban sa dalawang senador.
“Normal process is to be immediately executed. So ’yun ’yung ginawa in the past,” ani Gatchalian nang tanungin kung agad bang ipatutupad ng Senado ang mga kautusan.
Nauna nang ipinag-utos ng Sandiganbayan Fifth Division ang panibagong 90-day preventive suspension kay Estrada kaugnay ng plunder at graft charges na kinakaharap niya dahil sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Hiniling din ng anti-graft court sa Office of the Senate President na ipaalam dito sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng resolusyon ang magiging aksyon ng Senado.
Ikalawang 90-day preventive suspension na ito laban kay Estrada matapos siyang unang suspendihin ng Sandiganbayan Second Division noong Hunyo kaugnay ng hiwalay na graft case.
Samantala, ipinag-utos din ng Sandiganbayan ang 90-day preventive suspension kay Marcoleta kaugnay ng plunder case hinggil sa ₱75 milyong campaign contributions na umano’y hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures.
Inihain ng Office of the Ombudsman noong Hulyo ang plunder at iba pang kaugnay na kaso laban kay Marcoleta at tatlo pang akusado.
Iginiit naman ng kampo ni Marcoleta na ang naturang ₱75 milyon ay lehitimong campaign contributions at itinanggi ang alegasyong ilegal niyang tinanggap ang pera.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang senador habang dinidinig ang kani-kanilang plunder cases.
Ang preventive suspension ay hindi nangangahulugan na napatunayang nagkasala sina Estrada at Marcoleta. Layunin nitong pansamantalang pigilan ang isang opisyal sa pagganap sa tungkulin habang nagpapatuloy ang paglilitis ng kaso. RNT