MANILA, Philippines – Posibleng muling tumaas nang malaki ang presyo ng gasolina at diesel sa susunod na linggo kasunod ng panibagong pagtaas ng international oil prices.
Batay sa pagtataya ni Jetti Petroleum president Leo Bellas gamit ang unang apat na araw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading at foreign exchange movements, maaaring tumaas ng P4.50 hanggang P5 kada litro ang diesel at P4 hanggang P4.50 kada litro ang gasolina.
Hiwalay na industry estimate na iniulat nitong Biyernes ang naglagay naman sa posibleng taas sa P4 hanggang P4.50 kada litro para sa diesel at P3.50 hanggang P4 kada litro para sa gasolina, batay sa unang tatlong araw ng trading.
Iniuugnay ang inaasahang pagtaas sa panibagong tensyon sa Middle East at pangamba sa posibleng pagkagambala ng daloy ng petroleum products sa Strait of Hormuz.
Kasunod ito ng rollback na ipinatupad nitong Setyembre 1, kung saan ibinaba ng ilang oil companies ang gasolina ng P0.30 hanggang P0.40 kada litro at diesel ng P3.80 hanggang P3.90 kada litro.
Hindi pa pinal ang magiging dagdag-presyo dahil may natitira pang isang araw ng trading. Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis tuwing Lunes ang opisyal na price adjustments na ipatutupad sa susunod na araw. RNT