MANILA, Philippines – Nakatakdang magsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong qualified human trafficking laban kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras at lima pang indibidwal kaugnay ng umano’y “honey trap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag nitong Biyernes na ihahain sa Department of Justice (DOJ) ang reklamo matapos makumpleto ng bureau ang imbestigasyon nito.
Kabilang din sa mga irereklamo ang talent manager na itinago sa pangalang “Ken” at apat na abogado na umano’y sangkot sa paghahanda ng mga pahayag na gagamitin sa sinasabing operasyon laban kay Recto.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa mga alegasyon ni “Ken,” na naaresto noong Hulyo sa hiwalay na human trafficking case. Ayon sa kanyang salaysay, plano umanong gamitin ang ilang babae upang gumawa ng mga pahayag na mag-uugnay kay Recto sa ilegal na droga at sexual activities.
Iniuugnay rin ng NBI sa imbestigasyon sina Leviste at Paras matapos silang banggitin ng mga taong naunang nahuli at naimbestigahan ng bureau.
Nauna nang itinanggi nina Leviste at Paras ang mga alegasyon. Sa pamamagitan ng kanyang abogado, itinanggi ni Leviste na pinondohan niya ang umano’y operasyon, habang nagsumite naman si Paras ng affidavit na nagtatanggi sa kanyang pagkakasangkot.
Itinanggi rin ng isa sa mga abogadong isinailalim sa imbestigasyon ang paratang na sangkot sila sa pagpaplano ng umano’y “honey trap.”
Ang paghahain ng reklamo sa DOJ ay magpapasimula ng prosecutorial process upang matukoy kung may sapat na basehan para magsampa ng kaso sa korte. Hindi pa ito katumbas ng finding of guilt laban sa mga respondent. RNT