MANILA, Philippines – Kanselado ang ilang biyahe ng mga barko sa Mindoro at Western Leyte-Biliran ngayong Biyernes, Setyembre 4, dahil sa masamang panahon dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Batay sa abiso ng PPA alas-8 ng umaga, lahat ng biyahe sa Port of Lubang sa Occidental Mindoro ay kanselado dahil sa ipinatutupad na no-sail policy ng lokal na pamahalaan.
Sa Puerto Galera, kanselado ang 7:15 a.m. at 12:30 p.m. na biyahe ng MV City of Bacolod patungong Batangas.
Hindi rin bumiyahe ang Montenegro Shipping Lines mula Abra de Ilog patungong Batangas na nakatakda alas-7 ng umaga at alas-11:30 ng umaga.
Sa Port of Maasin naman, kanselado ang biyahe ng Ocean Fast Ferries Inc. sa rutang Maasin-Surigao at vice versa.
Patuloy na nakaaapekto ang habagat sa ilang bahagi ng bansa at nagdadala ng malalakas na pag-ulan, partikular sa western section ng Luzon.
Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa kanilang shipping lines o port authorities para sa pinakahuling schedule bago magtungo sa pantalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden