RIZAL, Philippines – Mahigit 20,000 kilo ng tilapia at bighead carp ang namatay sa fish kill sa bahagi ng Laguna de Bay sa Jala-Jala, Rizal, na nagdulot ng tinatayang P700,000 pagkalugi, ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA).
Ayon sa grupo, mahigit 30 fish cages na sumasaklaw sa higit pitong ektarya ang naapektuhan ng insidente.
Sinabi ni PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo na napansin umano ng mga mangingisda at fish cage operators ang pagbabago sa kulay ng tubig bago nagsimulang mamatay ang mga isda.
“May mga ganitong pangyayari na rin sa mga nagdaang taon pero ang nangyari ay mas mabilis at malawak ang saklaw,” ani Arambulo.
Hinala ng ilang apektadong mangingisda na maaaring may chemical waste o wastewater na may kinalaman sa insidente, ngunit wala pang opisyal na pagsusuri na nagpapatunay sa naturang alegasyon.
Dahil dito, nanawagan ang PAMALAKAYA sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) na imbestigahan ang sanhi ng fish kill, tukuyin kung may responsable sa insidente at magbigay ng kaukulang kompensasyon sa mga naapektuhang mangingisda at fish cage operators.
Nauna nang nagbabala ang LLDA sa posibilidad ng algal bloom at fish kill sa Laguna de Bay dahil sa pagbabago sa weather at water conditions. Kapag bumaba nang husto ang dissolved oxygen sa tubig, maaari itong magdulot ng stress at pagkamatay ng mga isda.
Noong Hulyo, nagkaroon din ng fish kill sa bahagi ng Laguna de Bay sa Binangonan, Rizal. Sa naturang insidente, sinabi ng LLDA na kinakailangan muna ng masusing scientific evaluation bago matukoy ang eksaktong sanhi.
Wala pang inilalabas na pinal na findings ang LLDA hinggil sa sanhi ng pinakahuling fish kill sa Jala-Jala. Santi Celario