Home NATIONWIDE Sen. Go kinuwestiyon timing ng arrest warrant vs VP Sara

Sen. Go kinuwestiyon timing ng arrest warrant vs VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Sen. Christopher “Bong” Go nitong Biyernes ang timing ng paglalabas ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong counts ng grave threats.

Sinabi ni Go na ikinagulat niya kung bakit ngayon lamang inilabas ang warrant habang nagpapatuloy ang impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado.

“Nagtataka lang po ako sa timing. ‘Yung timing ang pinagtataka natin,” ani Go sa ambush interview sa Senado.

“Bakit ngayon? Bakit ngayon ‘yung panahon na ongoing ‘yung impeachment?” dagdag niya.

Gayunman, sinabi ni Go na naniniwala siyang kakayanin ni Duterte na harapin ang kasalukuyang legal at political challenges.

Inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang warrant matapos nitong makitang may probable cause upang litisin si Duterte sa tatlong bilang ng grave threats.

Itinakda ang piyansa sa P120,000 bawat count. Kinumpirma rin ng Department of the Interior and Local Government na natanggap na ng mga abogado ni Duterte ang warrant at balak nilang magpiyansa sa lalong madaling panahon.

Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ni Duterte noong 2024 hinggil kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Nauna nang iginiit ng kampo ng Bise Presidente na walang intensyon si Duterte na umiwas sa batas at patuloy nitong gagamitin ang mga legal remedy na available sa kanya.

Samantala, sinabi ni Sen. JV Ejercito na pag-aaralan muna niya kung may epekto ang arrest warrant sa nagpapatuloy na impeachment trial. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here