MANILA, Philippines – Dalawang tao ang nasawi dahil sa leptospirosis habang nagpapatuloy ang pagbaha sa ilang lugar sa lungsod Olongapo ayon sa datos ng kanilang City Health Office.
Nitong Setyembre 3, umabot na sa 27 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa lungsod, kung saan 18 dito ang aktibo pa rin.
Labing-apat sa mga aktibong kaso ang naka-admit sa mga ospital, apat ang ginagamot bilang outpatient habang pito naman ang gumaling na sa sakit.
Pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan at ng city health office ang mga residente na iwasang lumusong o maglaro sa baha, lalo na kung may mga bukas na sugat.
Ayon sa health office, may libreng doxycycline na available sa kanilang opisina at sa lahat ng barangay health centers para sa mga residenteng nababad sa baha o sa mga posibleng muling lumusong sa baha.
Pinayuhan din ang mga residente na kumonsulta muna sa mga health personnel bago uminom ng doxycycline para sa tamang paggamit at tamang dosage. Jocelyn Tabangcura-Domenden