NUSANTARA, Indonesia – Kumakalat ang mga wildfire malapit sa itinatayong bagong kabisera ng Indonesia na Nusantara, kaya hiniling ng mga namamahala sa proyekto sa disaster mitigation agency na magsagawa ng cloud seeding at water bombing.
Umabot na sa 73,311 ektarya ang nasunog sa anim na lalawigang matinding tinamaan ng forest at land fires sa mga isla ng Borneo at Sumatra.
Sa Borneo, ilang lugar ang patuloy na nilalamon ng apoy. Kabilang dito ang silangang bahagi kung saan matatagpuan ang Nusantara. Ayon kay Agus Riyanto, director for emergency response ng disaster mitigation agency, humingi ng agarang aksiyon ang awtoridad ng bagong kabisera matapos kumalat ang apoy sa mga karatig-lugar.
Sa kabuuan, nasa 400 ektarya na ang nasunog sa paligid ng Nusantara hanggang Setyembre 2. Pinakamalaki ang sunog sa Bukit Suharto Forest Park, kung saan humigit-kumulang 300 ektarya ang natupok. Nasa 50 kilometro ito mula sa sentro ng bagong kabisera.
Ayon sa mga opisyal, isa sa pinakamahirap na dry season sa nakalipas na isang dekada ang nararanasan ng Indonesia, na pinalala ng “super El Niño” phenomenon.
May 53 aircraft ang Indonesia para sa water bombing at cloud seeding. Nagpadala rin ang Japan ng mga eroplano at personnel upang tumulong. Isang helicopter mula sa kalapit na South Kalimantan ang ipapadala para magsagawa ng water bombing sa paligid ng Nusantara.
Gayunman, hindi pa sapat ang mga ulap para sa cloud seeding. Isasagawa lamang ito kapag posible na, ayon kay Agus.
Samantala, daan-daang Muslim ang nagtipon sa harap ng state palace sa Nusantara noong Biyernes upang magsagawa ng “Istisqo” prayers at humingi ng ulan.
“We must seek God’s forgiveness and if it’s granted, Allah will send abundant rain,” pahayag ng preacher na si Rusdi Abdullah.
Inanunsiyo noong 2019 ni dating Pangulong Joko Widodo ang planong pagtatayo ng $32-bilyong Nusantara upang palitan ang Jakarta, na nakararanas ng matinding trapiko, pagbaha at paglubog ng lupa.
Gayunman, nakaranas ang proyekto ng pagkaantala at pagbawas sa badyet mula nang maupo si Pangulong Prabowo Subianto noong 2024.
Ayon kay Wisnubroto Sarosa, urban at planning expert, hindi ideal ang lokasyon ng Nusantara dahil napaliligiran ito ng kagubatan at limitado ang suplay ng tubig. Gayunman, mas mababa pa rin ang panganib ng sunog dito kumpara sa kanluran at gitnang bahagi ng isla. RNT/MDS