DAVAO CITY, Philippines – Iginiit ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na walang congressional district allocation na natanggap ang kanilang lungsod, taliwas sa naunang pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.
Ayon kay Castro noong Biyernes, nakatanggap ang Davao City ng P52.80 bilyon National Tax Allotment (NTA). Ngunit sinabi ni Duterte na iba ang NTA sa tinutukoy niyang budget allocation para sa mga congressional district.
“Ang NTA ay automatic appropriation para sa mga LGU (local government unit). Alam naman nating lahat iyan. Hindi ko sinabi na walang NTA ang Davao City…pero ang tinutukoy ko ay budget allocation para sa congressional districts,” ani Duterte sa Facebook post.
Sinabi ni Duterte na mas mabuting ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga rekord upang malinaw ang usapin.
Nilinaw naman ni Castro na ang kanyang pahayag ay partikular na tugon sa tanong tungkol sa NTA ng Davao City, sa alegasyon na wala itong natanggap na pondo mula sa national government, at kung may mga rekord na makapagpapatunay nito.
Ayon kay Castro, mas mabuting hingan ng media si Duterte ng mga dokumento tungkol sa “proposed projects and their feasibility studies” upang malaman kung may sapat na batayan ang sinasabing walang congressional allocation. RNT/MDS