NUSANTARA, Indonesia – Nagsagawa ng water bombing operation ang mga awtoridad ng Indonesia nitong Sabado upang maiwasang kumalat ang mga wildfire sa paligid ng Nusantara, ang itinatayong bagong kabisera ng bansa sa Borneo.
Ayon kay Nusantara authority environment and natural resources deputy Myrna Asnawati Safitri, lumalala ang mga sunog mula pa noong kalagitnaan ng Agosto sa mga buffer area sa labas ng sentrong bahagi ng Nusantara.
Kasabay ng ground firefighting ang water bombing upang mapigilan ang pagkalat ng apoy. Ayon kay Myrna, “The function of water bombing is not only to extinguish fires but also to accelerate cooling in areas that have been extinguished by ground firefighters,”
Tatagal hanggang Linggo ang operasyon ngunit maaari itong palawigin kung kinakailangan. Sinabi ni Myrna na hindi pa naaapektuhan ng mga wildfire o usok ang konstruksyon ng bagong kabisera.
Itinatayo ang Nusantara sa Borneo bilang kapalit ng Jakarta na nahaharap sa paglubog ng lupa, matinding trapiko at iba pang problema. Kasabay nito, nilalabanan din ng Indonesia ang malawakang wildfire sa Sumatra at Borneo na nagdudulot ng makapal na haze na umaabot sa Malaysia, Singapore at Pilipinas.
Muling isinulong ni dating Pangulong Joko Widodo noong 2019 ang planong paglilipat ng kabisera. Ngunit bumagal ang konstruksyon sa ilalim ni Pangulong Prabowo Subianto dahil mas binigyang-prayoridad nito ang mga programang pangkapakanan, kabilang ang libreng pagkain para sa mga estudyante.
Bilang president-elect, sinabi ni Prabowo na nais niyang “continue, if possible finish” ang paglilipat ng kabisera. Gayunman, mula nang maupo siya noong 2024, wala pa siyang inilalabas na plano para lagdaan ang presidential decree na kailangan upang tuluyang mailipat ang kabisera mula Jakarta.
Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Prasetyo Hadi, kailangang maging handa muna ang Nusantara na paglagyan ng executive, legislative at judicial branches ng pamahalaan bago maisagawa ang paglilipat. RNT/MDS