Home METRO 7 arestado sa pagnanakaw ng kable ng kuryente sa Cavite

7 arestado sa pagnanakaw ng kable ng kuryente sa Cavite

3
0

CAVITE, Philippines – Pitong lalaki ang nadakip ng pulisya sa magkahiwalay na insidente ng umano’y pagnanakaw ng electrical wires sa Bacoor City at Silang, Cavite.

Nadakip sa follow-up operation ang limang lalaki na kinilalang sina alyas Cris, Elio, Jon, Fran at Berto matapos umanong tangayin ang electrical wire na nakakonekta sa streetlight sa Sitio Centro, Barangay Zapote 3.

Dakong 3:15 ng madaling-araw noong Setyembre 5, 2026 nang mamataan umano sila ng mga barangay tanod na pinuputol ang wire. Hinabol sila ng mga tanod ngunit nakatakas, hanggang sa natukoy ang kanilang kinaroroonan sa isinagawang follow-up at manhunt operation.

Narekober sa mga suspek ang tinatayang 20 metro ng electrical wire na nagkakahalaga ng ₱5,000 at dalawang pares ng pliers na pinaniniwalaang ginamit sa pagputol ng kable. Dinala sila sa Bacoor Component City Police Station para sa kaukulang kaso.

Samantala, sa Silang, dalawang construction worker na sina alyas “Mark” at “Elioquim” ang nadakip matapos umanong mahulihan ng 15 kahon ng electrical wires na sinasabing nagmula sa construction site na kanilang pinagtatrabahuhan sa Tagaytay City. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o Qualified Theft.

Dakong 3:20 ng madaling-araw nang mapansin nina PCpl. Ocampo at Pat. Caparas ng Silang Municipal Police Station ang dalawang lalaki na kumakatok sa isang saradong junk shop sa Barangay Buho.

Sa beripikasyon, nakita umano ng mga pulis sa kanilang traysikel ang 15 dilaw na kahon ng 3.5 mm² stranded electrical wires. Nakipag-ugnayan ang mga pulis sa Tagaytay City Police Station at nagtungo sa One Tolentino Condominium construction site sa Barangay Tolentino East, kung saan nakumpirmang empleyado umano ng proyekto ang dalawang suspek.

Nabatid din na kabilang sa mga nawawalang materyales sa construction site ang mga electrical wires na dala ng mga ito. Patuloy ang imbestigasyon upang malaman kung mayroon pa silang mga kasamang sangkot sa insidente. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here