Home NATIONWIDE Pinsala sa imprastraktura, agrikultura dahil sa mga bagyo, Habagat, sumirit sa P11.92B

Pinsala sa imprastraktura, agrikultura dahil sa mga bagyo, Habagat, sumirit sa P11.92B

3
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa P11.92 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura dulot ng enhanced southwest monsoon o habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng at Pilandok, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Setyembre 6.

Ayon kay OCD Disaster Preparedness Service Director Gregorio B. Tomas, nasa P7.79 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P4.13 bilyon naman ang pagkalugi sa agrikultura, batay sa datos hanggang alas-6 ng umaga.

Apektado ng mga sama ng panahon ang 10.2 milyong katao o 2.9 milyong pamilya sa 6,900 barangay sa Regions I, III, V at VI, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, National Capital Region at MIMAROPA.

May 552 lugar na binaha, habang 807 evacuation center ang kumukupkop sa tinatayang 18,100 pamilya o 62,300 katao.

Umakyat naman sa 43 ang bilang ng mga namatay, habang 20 ang nasugatan at lima ang nawawala.

Umabot sa 180 lugar ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang mga lugar sa Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Tarlac, Olongapo, Angeles, Rizal, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Dagupan.

May kabuuang 4,500 bahay ang napinsala—3,900 ang bahagyang nasira at 585 ang tuluyang nawasak.

Samantala, naglaan na ang pamahalaan ng P2.59 bilyong halaga ng tulong para sa mga apektadong komunidad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here