MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Senate impeachment court sa ika- 22 araw ng trial na walang matching record ang 1,685 pangalan mula sa confidential fund payee lists ng Office of the Vice President (OVP) ni Vice President Sara Duterte at ng Department of Education (DepEd) kasama dito ang birth, marriage, at death records.
Sa pagharap ni Assistant National Statistician Marizza Grande bilang testigo ng prosekusyon sinabi nito na mula sa 1,992 pangalan sa listahan ng OVP, 1,287 dito ang walang record. Mula naman sa 677 pangalan ng DepEd, 398 ang walang record.
Sinabi rin ni Grande na may 37 pangalan na tumugma sa mga taong patay na. May 25 pangalan din na tumugma sa mga bata.
Isa sa mga tinalakay sa hearing ang pangalang “Mary Grace Piattos”, ayon kay Grande, walang record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang pangalang ito sa PSA.
“Base po doon sa information na ibinigay at sa aming pong database, wala pong record ng kapanganakan, wala pong record ng kasal at wala rin pong record ng kamatayan ang isang Mary Grace Piattos po,” ani Grande.
Ipinaliwanag ni Grande na sinuri ng PSA ang lahat ng 2,669 pangalan mula sa dalawang listahan, ginamit nila ang tatlong klaseng record, ang birth, marriage, at death.
Nagsimula ang verification ng PSA matapos humingi ng tulong ang House Committee on Good Government and Public Accountability, sa ilalim ni Rep. Joel Chua, ani Grande, dalawang letter request ang ipinadala noong Disyembre 5 at December 8,2024.
Ayon kay Grande, tatlo ang posibleng resulta sa bawat paghahanap, isang tugmang record, maraming tugmang record, o walang tugmang record.
Halimbawa nito, ang pangalang “Jason Ramos” ay may 907 posibleng birth record, 305 marriage record, at 53 death record. Marami ang tugma dahil karaniwan ang pangalang ito.
Binanggit din ni Grande ang mga pangalan nina Adonis Mascariñas at Anselmo Sta. Cruz sa listahan ng OVP. Nabanggit din nina Joel Mataflorida, Paolo Fernan, at Ramil Dabon sa listahan ng DepEd. May marriage record ang mga pangalang ito, at isinumite ito bilang ebidensya sa korte.
Sinabi ni Grande na ipinadala ng PSA ang kanilang mga natuklasan sa pamamagitan ng opisyal na sagot at certification. Kasama rito ang sagot na may petsang December 11, 2024, para sa listahan ng OVP.
Para naman sa request noong June 25, 2026, sinuri ulit ng PSA ang mga pangalan. Nag-isyu sila ng opisyal na sagot noong June 26, kasama ang verification results at certified copies ng mga civil registry document.
Sa huling bahagi ng kanyang testimonya, tinanong ni Private Prosecutor Atty. Mae Divinagracia si Grande kung tama ang summary ng kanyang mga sinabi.
“Base po doon sa mga pangalan na ibinigay sa PSA na amin pong vinerify, at sa amin pong verification, at sa summary tabulation po kanina, ang mga impormasyon po na ito ay 100 percent accurate, tumpak po,” paliwanag ni Grande.
Ang testimonya ni Grande ay ginagamit ngayon ng prosekusyon bilang bahagi ng kanilang ebidensya laban kay Duterte, kaugnay ng liquidation ng confidential funds. Gail Mendoza