Home NATIONWIDE Paglunsad ng solid waste management program sa mga lokal na pamahalaan, hinikayat...

Paglunsad ng solid waste management program sa mga lokal na pamahalaan, hinikayat ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa bansa na maglunsad ng mga programang nagsusulong ng maayos na solid waste management.

Kaninang umaga, araw ng Lunes, Setyembre 07, personal na nag-inspeksyon ang Pangulo sa Marikina River Linear Park at bumisita sa Marikina Centralized Materials Recovery Facility.

Dito, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay kinilala ng Pangulo ang magandang inisyatiba ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa kanilang solid waste management at mahigpit na pagsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Hindi naman kasi lingid aniya sa kaalaman ng taumbayan na noong mga nakaraan, ang Marikina City ay palaging nalulubog sa tubig baha tuwing malakas ang ulan sa Metro Manila.

“Pero nitong mga nakaraang araw, kahit sunud-sunod ang malakas na buhos ng ulan, makikita ang malaking improvement sa flood control measures ng lungsod, kabilang na dito ang maganda nilang programa sa pagtatapon ng basura,” ani Castro.

Para sa Pangulo, magandang halimbawa ito na dapat gayahin ng mga lokal na pamahalaan sapagkat batid noong mga nakaraang araw ang malaking epekto sa pagbaha ng hindi tamang pagtatapon ng basura.

Binigyang-diin din aniya ng Pangulo na mahalagang paigtingin ng DENR, sa pangunguna ni Secretary Juan Miguel Cuna, ang monitoring ng pagsunod ng LGUs sa mga batas tungkol sa solid waste management.

Ipinag-utos din aniya ng Pangulo sa DILG, sa pangunguna ni Secretary Jonvic Remulla, na hikayatin ang lahat ng LGU na tularan ang mga epektibong patakaran ng Marikina City.

Sa huli, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang tungkulin ng taumbayan na makipagtulungan sa mga awtoridad at ugaliin ang proper waste disposal. Ang kalinisan sa kapaligiran at kalikasan ay kolektibong responsibilidad ng pamahalaan at ng taumbayan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here