MANILA, Philippines – Inalok umano ng Philippine National Police (PNP) ng security detail si Vice President Sara Duterte, ngunit tinanggihan niya ito, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
“Kung wala siyang tiwala, that is her prerogative,” sabi ni Remulla sa press briefing sa Camp Crame nitong Lunes.
“We did offer sa PSPG (Police Security and Protection Group), but ayaw niya,” ani Remulla.
Ang PSPG ay tanggapan sa ilalim ng PNP na nagbibigay ng protective security sa mga opisyal ng gobyerno. Ayon kay Remulla, walang ibinigay na dahilan si Duterte sa pagtanggi sa security detail.
Samantala, sinabi ni Duterte matapos siyang magpiyansa nitong Sabado na hindi siya ligtas at wala siyang tiwala sa PNP dahil sa umano’y surveillance at pangha-harass sa kanyang pamilya. Itinanggi naman ni Remulla ang mga alegasyon laban sa PNP. RNT/MDS