Home NATIONWIDE Pagsasampa ng kasong plunder ng Ombudsman vs Romualdez, ginagalang ng Malakanyang

Pagsasampa ng kasong plunder ng Ombudsman vs Romualdez, ginagalang ng Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Ginagalang ng Malakanyang ang ginawang pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang paghahain ng kaso laban kay Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay consistent sa naunang posisyon ng Pangulo na iyong mga dapat na managot ay dapat na panagutin.

“Ang sa Pangulo naman po ay kung sino po ang dapat na managot ay dapat na panagutin. Kung sinuman po iyan –kamag-anak, kaibigan, kaalyado o kalaban sa politika,” ani Castro.

“Kung ano po ang isinisigaw ng ebidensiya dapat lamang po itong mailahad,” aniya pa rin.

May pagkakataon naman na mag-presenta ng ebidensiya para sa kanilang depensa ang mga sinampahan ng kasong plunder.

“At iginagalang po natin ang aksiyon ng Ombudsman dahil ito naman po ay nasa kanilang mandato,” ani Castro.

Sa ulat, kinasuhan ng mga imbestigador ng Ombudsman sina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ng umano’y “concerted and coordinated acts” upang labag sa batas na makapagkama at makakuha ng tinatayang P56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025.

Ang kaso ay inihain sa Sandiganbayan nitong Setyembre 7.

Bukod kina Romualdez at Co, dalawa pang indibidwal ang isinama sa kaso.

Tinatayang P7.4 bilyon naman ang halagang tinukoy sa plunder charges na may kaugnayan sa flood control anomaly. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here