MANILA, Philippines — Nakapagtala ng pinakamataas na koleksyon sa unang walong buwan ng isang taon ang Bureau of Customs (BOC), matapos makalikom ng ₱664.776 bilyon mula Enero hanggang Agosto 2026.
Batay sa paunang collection report ng BOC, nalampasan nito ang itinakdang target na ₱659.309 bilyon ng ₱5.467 bilyon.
Mas mataas din ng 7 porsiyento o ₱43.389 bilyon ang nakolekta ng ahensya kumpara sa ₱621.387 bilyon na koleksyon sa kaparehong panahon noong 2025.
Napanatili ng BOC ang surplus sa kabila ng mga weather disturbance na nagdulot ng pagsususpinde ng trabaho at pagkaantala sa operasyon ng kalakalan at pamahalaan sa ilang bahagi ng bansa.
Naapektuhan din ng malalakas na pag-ulan ang paggalaw ng mga kargamento, kabilang ang pagbabawas at pagproseso ng shipments sa ilang pantalan.
Para naman sa Agosto 2026, nakalikom ang BOC ng ₱81.361 bilyon, mas mataas ng 5.1 porsiyento o ₱3.925 bilyon kumpara sa ₱77.346 bilyon na nakolekta noong Agosto 2025.
Bagama’t bahagyang hindi naabot ng BOC ang target nito para sa Agosto, nanatiling lampas sa target ang kabuuang koleksyon dahil sa malakas na performance mula Enero hanggang Agosto.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patunay ang resulta ng katatagan at dedikasyon ng mga tauhan ng BOC sa kabila ng mga hamon sa operasyon.
Aniya, nanatiling nakatuon ang mga collection district sa kanilang tungkulin kahit nagkaroon ng weather disturbances at work suspensions.
Patuloy naman aniyang palalakasin ng BOC ang mga hakbang para mapanatili ang mataas na koleksyon, kabilang ang pagpapahusay sa compliance, tamang valuation at declaration ng mga produkto, mas pinaigting na enforcement, at pakikipagtulungan sa mga negosyante at iba pang stakeholders.
Sa natitirang apat na buwan ng 2026, sinabi ng BOC na ipagpapatuloy nito ang mga reporma upang mapalakas ang koleksyon ng kita, mapadali ang lehitimong kalakalan at mapahusay ang serbisyo sa mga kliyente. JAY Reyes