MANILA, Philippines – Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na maayos at mabilis na ibigay ang karampatang sahod sa government employees at public school teachers, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na isinusulong ng Department of Budget and Management sa pangunguna ni Secretary Kim Robert de Leon ang pagbabago sa kasalukuyang request-based process para sa personnel services deficiencies.
Sa ilalim ng reporma, hindi na kailangan ang hiwalay na funding request para maproseso ang salary adjustments.
Sa oras aniya na ma-update ng isang ahensiya ang kanilang plantilla master list at makitang may salary deficiency.
Agad na aniya itong matutukoy ng DBM para makapag-release ng kinakailangang pondo.
Layunin nitong siguruhin na mas mabilis na matatanggap ng teachers at ng ibang kawani ng gobyerno ang kanilang sweldo.
Target ng DBM na isagawa ang live testing ng bagong sistema sa iba’t-ibang ahensiya sa 4th quarter ng 2026.
“Para sa mga naghihintay ng salary adjustments, pinapabilis na po ng pamahalaan ang pag-proseso para makuha ang inyong tamang sweldo.Dahil sa Bagong Pilipinas, kapag mas proactive at maayos ang proseso, mas mabilis ang kilos ng gobyerno,” ayon kay Castro.
Samantala, bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang sektor ng transportasyon. Isinusulong ng pamahalaan ang pagtataas ng budget para sa rail infrastructure na aabot sa P197.3 billion ngayong 2027.
Ang hakbang na ito ayon kay Castro ay para pabilisin ang pag-usad ng north-south commuter railway systemna inaasahang magpapagaan sa biyahe ng mga commuter at magpasigla sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng fiscal year 2027 national expenditure program, P123. 84 billion ang mapupunta sa nasabing proyekto na magdurugtong sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Laguna.
Nakapaloob din aniya sa nasabing budget ang P67.44 billion para sa phase one ng Metro Manila Subway Project na inaasahan namang magpapagaan sa lagay ng trapiko sa kamaynilaan.
Kasama rin sa budget ang P1.17 billion para sa LRT line one Cavite extension project, P1.94 billion para sa MRT line three rehabilitation project at P603 million naman para sa LRT one south extension project.
“Pondo ng bayan, nakalaan para sa sa taong bayan, ito ang mithiin ng administrasyon ni Pangulong Marcos para sa bawat Pilipino,” ayon kay Castro. (KRIS JOSE)