Home NATIONWIDE BOC, CFA sanib-pwersa kontra balikbayan box scam

BOC, CFA sanib-pwersa kontra balikbayan box scam

12
0

MANILA, Philippines — Nagsanib-pwersa ang Bureau of Customs (BOC) at Commission on Filipinos Overseas (CFO) para protektahan ang mga OFW at kanilang pamilya laban sa scam at problema sa Balikbayan boxes.

Nilagdaan nina BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at CFO Chairperson Secretary Dante Francis M. Ang II ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para palakasin ang kanilang koordinasyon.

Layunin ng kasunduan na bigyan ang mga Pilipino sa abroad ng tama at updated na impormasyon tungkol sa customs rules at requirements sa pagpapadala ng Balikbayan boxes.

Tututukan din ng dalawang ahensya ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga ipinagbabawal at restricted goods, tamang dokumentasyon at paraan para makaiwas sa pekeng shipping schemes.

Kasama rin sa partnership ang pagtugon sa mga reklamo kaugnay ng mga Balikbayan box na nawawala, nade-delay, nasisira, nabubuksan o hindi nakararating sa destinasyon.

Ayon kay Nepomuceno, mahalagang magkaroon ng maaasahang impormasyon ang mga Filipino Overseas dahil regular silang nagpapadala ng Balikbayan boxes para sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Ang na gagamitin ng CFO ang kanilang mga opisyal na plataporma, orientation programs at iba pang community activities para maihatid sa mga Pilipino sa abroad ang gabay ng BOC.

Magsasagawa rin ang dalawang ahensya ng joint information campaigns, magbabahagi ng customs advisories at magsasanay ng mga stakeholder tungkol sa tamang proseso sa pagpapadala ng kargamento.

Bubuo rin ng Joint Technical Working Group (TWG) para ayusin ang referral system at koordinasyon sa mga reklamo at iba pang shipment concerns.

Giit ng BOC at CFO, layunin ng partnership na maging mas maalam, maingat at protektado ang mga Pilipino sa abroad sa bawat Balikbayan box na ipinapadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here