MANILA, Philippines – Pinapaharap ng Sandiganbayan Third Division si dating House Speaker Martin Romualdez sa Setyembre 10, Huwebes, para sa pagdinig sa kanyang mosyon na manatili muna sa ospital.
Nananatiling naka-confine si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City matapos maisilbi sa kanya ang warrant of arrest kaugnay ng kasong plunder na hindi pinapayagan ng piyansa.
Ayon sa court order, “Accused Romualdez is directed to appear before the court should his condition permit.”
Binigyang-diin din ng korte na nasa kustodiya na nito si Romualdez at ang Sandiganbayan lamang ang maaaring magpasya kung ang kanyang kondisyon ay makaaapekto sa pagpapatupad ng warrant, pananatili sa ospital o paglilipat sa kulungan.
Inatasan din ng korte ang mga doktor ni Romualdez na sina Rody Sy, Rogelio Libarres, Kurt Allen Sibayan at Rosalio Torres na humarap bilang mga testigo.
Samantala, ibinalik ng PNP sa Sandiganbayan ang warrant matapos hindi makaharap sa korte si Romualdez. Na-booking na rin siya habang nasa ospital.
Nahaharap si Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa kasong plunder dahil umano sa pagtanggap ng hindi bababa sa ₱7.44 bilyon na komisyon, kickback at iba pang benepisyo mula sa mga contractor at iba pang sangkot sa mga proyekto ng gobyerno noong 2022 hanggang 2025.
Ayon naman sa abogado ni Romualdez na si Ade Fajardo, iginagalang ng mambabatas ang proseso ng batas at haharapin ang mga alegasyon laban sa kanya. RNT/MDS