MANILA, Philippines – Inatasan ng impeachment court ang prosecution na huwag muna isara ang dalawang artikulo laban kay Vice President Sara Duterte para magkatsansa pa ang mga senator-judge na magpakatawag ng karagdagang testigo.
Sa kanyang ruling nitong Martes, Setyembre 8, sinabi ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi pa dapat isara ng prosecution ang Article 1, ang maling paggamit at paglulustay ng P612.5 milyong confidential funds; at Article IV hinggil sa pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Escudero, matapos ipresenta ng prosekusyon at depensa ang kanilang ebidensya, saka pa lang magdedesisyon ang korte kung kailangan pa ng dagdag na testigo.
“After you shall have presented your respective evidence in chief on this article, the court shall decide on whether or not to call additional witnesses,” aniya.
Ilang senator-judge na ang nagbanggit ng posibilidad na ipatawag sina Col. Raymund Dante Lachica at Col. Dennis Nolasco.
Hindi na sila isinama ng prosekusyon kahit paulit-ulit silang nabanggit sa testimonya tungkol sa confidential funds.
Sinabi ni Escudero na kahit “sui generis” o kakaibang paglilitis ang impeachment, maaari pa rin magpakatawag ng testigo ang korte kung hindi pa sapat ang narinig na ebidensya. Kinilala na ito ng Korte Suprema sa mga regular na paglilitis.
Kung magpapatawag ang korte nina Lachica, Nolasco o iba pa, parehong panig ay bibigyan ng pagkakataong i-cross examine ang mga ito. Susundan din ito ng rebuttal at surrebuttal evidence.
“We will afford both parties due process… to cross-examine the witness, should the court decide to call them,” dagdag ni Escudero.
Sinabi naman ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro na susunod ang prsectuion sa kautusan ng korte. “We are submitting to the ruling… with respect to not resting yet the cases.”
Giit naman ni Defense Lead Counsel Sheila Sison na kanilang iginagalang ang desisyon pero “reserve our comment… at the appropriate time.”
Nilinaw ni Escudero na ang formal offer of evidence ng prosekusyon ay mangyayari pa lang pagkatapos nilang matapos sa lahat ng artikulo.
Layunin ng hakbang na matiyak na kumpleto ang ebidensya bago bumoto ang mga senator-judge. Ernie Reyes