MANILA, Philippines – Nakatakdang kumalap ng legal experts ang Senado upang magbigay-linaw sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil kulang ang orihinal na bilang na mambabatas na 24 alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.
Inihayag ni Presiding Officer, Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero sa pagsasara ng impeachment trial nitong Martes na kukuha ng legal experts ang korte bago magdesisyon kung 16 boto ba ang kailangan upang mahatulan si Duterte.
Aniya, kukuha ng impeachment court ng amici curiae o “friends of the court” na posibleng kinabibilangan ng mga retiradong Mahistrado ng Korte Suprema at eksperto sa constitutional law.
Tentative sa Setyembre 16 ang pagdinig sa kanila.
Sa ngayon, umabot lamang sa 20 ang pisikal na senador na nakadadalo sa impeachment trial ni Duterte. Hindi nakakadalo sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na kapwa nahaharap sa kasong plunder na pawang non-bailable offense at sina Senador Loren Legarda at Ronald dela Rosa na nagtatago ngayon sa batas.
Sa Setyembre 23 naman gaganapin ang oral arguments ng prosekusyon at depensa.
“We will be enlisting the opinion and assistance of amici curiae… in order to give their opinion with respect to this issue,” sabi ni Escudero.
Nagkaroon ng ganitong senaryo matapos maghain ng sariling manipestasyon si Senator-judge Erwin Tulfo na humingi ng malinaw na interpretasyon sa salitang “all the Members of the Senate” sa Konstitusyon, lalo na’t marami ang absent sa trial.
“What do we do? Where do we go? Is it really for 24? We count the 24? Or we only count those who are present right now, the 21?” tanong ni Tulfo.
Itinuring ni Escudero ang manifestation bilang apela sa nauna niyang ruling na “hard 16” votes o 2/3 ng 24 senador ang kailangan para sa conviction.
Narito ang ilang reaksyon ng mga senador-hukom:
Pia Cayetano: Tinanong kung may karapatan ba mismo ang impeachment court na baliktarin ang ruling. Hiniling din na siguraduhing may panig na “pabor” at “kontra” ang mga iimbitahang eksperto.
Bam Aquino: Binigyang-diin na hindi ito tungkol sa “guilty o hindi” kundi sa threshold lang.
Joel Villanueva: Sinabing akala niya malinaw na ang “two-thirds of all the members” pero suportado niya ang masusing pag-aaral ngayong may apela.
Francis Pangilinan: Sumuporta sa pagkonsulta sa independent legal experts at iminungkahi na sa presiding officer, prosekusyon at depensa manggaling ang pagpili.
Ayon kay Escudero, pag-uusapan muna ng magkabilang panig kung sino ang iimbitahan bilang amici curiae dahil magkakaiba ang legal na pananaw sa isyu.
Layunin ng hakbang na matiyak na patas at konstitusyonal ang magiging basehan ng botohan sa pagtatapos ng impeachment trial. Ernie Reyes