Home NATIONWIDE Pagtugon sa Ebola sa Congo pahirapan sa staff shortage, pondo – WHO

Pagtugon sa Ebola sa Congo pahirapan sa staff shortage, pondo – WHO

2
0

MANILA, Philippines – Kakulangan sa mga trained staff, operational partners, at pondo ang humahadlang sa pagpapalawak ng tugon sa Ebola sa Democratic Republic of Congo habang patuloy na kumakalat ang outbreak sa heograpiya, ayon sa isang opisyal ng World Health Organization o WHO nitong Martes, Setyembre 8.

Mula sa original nitong sentro sa Bunia, kumalat na ang outbreak at nakaaapekto na sa anim na lalawigan.

Dahil dito, nagpatupad ang mga awtoridad ng mas decentralized na estratehiya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga treatment center na mas malapit sa mga bagong apektadong komunidad, ayon sa WHO.

Ayon pa sa WHO, ang outbreak ng Bundibugyo species ng Ebola sa Congo ay nakapatay na ng 3,175 katao at nakahawa ng mahigit 6,000 — kaya ito ang pinakamalalang epidemya sa bansa — at patuloy pa rin itong kumakalat sa hilagang-silangan ng bansa.

Sinabi ni WHO technical officer na si Luca Fontana na halos 1,400 na treatment beds ang naitatag na sa 59 treatment centers, isa sa pinakamabilis na scale-up na nasaksihan niya, kasama na ang 2014 hanggang 2016 West Africa Ebola epidemic.

Tinataya ng WHO na kailangan ng humigit-kumulang tatlong health workersvpara sa bawat kama ng pasyenteng may Ebola.

Ibig sabihin, kailangan ng humigit-kumulang 9,000 na staff para sa planong 3,000 beds. Para dito, kailangan pang mag-recruit at magsanay ng humigit-kumulang 5,000 karagdagang health workers.

Lalo pang bumigat ang hamon dahil kaunti lang ang international organizations na kayang magpatakbo ng Ebola treatment centers, na bahagyang dulot ng epekto ng mas malawak na pagbawas sa pondo ng mga donor sa buong mundo, ayon kay Fontana.

Base sa estimate ng WHO, aabot sa $500,000 ang gastos para patakbuhin ang isang treatment center na may 50 beds.

Tinataya rin ng WHO na lima o anim lang na malalaking organisasyon ang may kadalubhasaan at kakayahan na magtayo at magpatakbo ng treatment center para sa Ebola.

Sa ilang pagkakataon, sinasalo na ng Ministry of Health ng Congo ang responsibilidad sa mga center na binuksan sa simula ng outbreak. Pero binalaan ni Fontana na mauubos din ang kanilang kapasidad sa kalaunan.

Nanawagan ang WHO sa mga donor na dagdagan ang pondo at pabilisin ang pagbibigay para pondohan ang $1.3 bilyong plano ng pamahalaan ng Congo laban sa Ebola sa loob ng susunod na anim na buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here