MANILA, Philippines- Magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pag-uutos ni Mayor Strike B. Revilla sa City Engineering Office, sa pangunguna ni City Engineer San Jose, matapos ang pagputok ng tubo ng tubig sa Southvale at St. Jude Subdivisions sa Molino, Bacoor, na nagdulot ng pagbaha at nakaapekto sa mga residente.
Layunin ng imbestigasyon na alamin ang mga pangyayari at dahilan sa likod ng pagputok ng tubo, matukoy ang lawak ng pinsalang dulot ng pagbaha, at malaman kung may mga pagkukulang o paglabag na maaaring naging sanhi o nakapag-ambag sa insidente.
Magpupulong ang Pamahalaang Lungsod, mga opisyal ng Maynilad at sa Pangulo ng Homeowners Association (HOA) at tatalakayin
ang lawak ng pinsala at ang posibleng pananagutan ng Maynilad, batay sa magiging resulta ng malayang imbestigasyon.
Tiniyak ng lungsod na kung mapatutunayan ng imbestigasyon na ang insidente ay resulta ng kapabayaan ng Maynilad, magsasagawa ang lungsod ng nararapat na aksyon alinsunod sa batas at mga umiiral na regulasyon, kabilang ang posibilidad ng pagbawi sa permit nito.
Maaari ring hilingin sa Maynilad na panagutan ang mga pinsalang idinulot ng insidente, alinsunod sa itinakdang proseso at mga naaangkop na batas at regulasyon.
Binigyang-diin ni Revilla na hindi muna huhusgahan ng lungsod ang Maynilad habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Gayunman, sinabi ng alkalde na handang kumilos nang mabilis at matatag ang pamahalaang lungsod kapag malinaw na ang mga katotohanan at nakumpleto na ang mga teknikal na pagsusuri.
Nanawagan din ang lungsod sa lahat ng kinauukulang panig na makipagtulungan nang lubos sa isinasagawang imbestigasyon at sa agarang pagpupulong upang mabilis at patas na matukoy ang lawak ng insidente, ang mga pinsala, at kung sino ang dapat managot. MARGIE BAUTISTA