MANILA, Philippines – Nagmartsa mula sa Korte Suprema patungong Department of Justice ngayong umaga ang ilang aktibista at grupo kabilang ang KARAPATAN para hilingin na resolbahin at tuluyang ibasura ang dalawang terror laws.
Ito ay ang Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention Act kasunod ng sunod-sunod na kaso laban sa kanila.
Ayon sa grupo, dumarating ang kasong isinasampa laban sa mga indbidwal at organisasyon gayong nagsasagawa lang umano sila ng lehitimong adbokasiya at community work.
Giit pa ng grupo, ginagamit ang mga batas para gawing kriminal ang mga aktibidad tulad ng protesta at community work.
Pati ang pamimigay ng pagkain, transportasyon, tulong legal at humanitarian assistance ay naiuugnay na sa “terrorism financing.”
Babala ng KAPARATAN, kapag napipinsala ang operasyon ng mga organisasyon, apektado rin ang mga komunidad na umaasa sa kanilang serbisyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden