Home HOME BANNER STORY P60 dagdag-minimum wage sa NCR, aprubado ng wage board

P60 dagdag-minimum wage sa NCR, aprubado ng wage board

2
0

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang panibagong P60 dagdag sa arawang minimum wage ng mga kwalipikadong manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), inaprubahan noong Setyembre 7 ang Wage Order No. 28 at isinumite na ito sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa kumpirmasyon.

Kapag pinagtibay, maaari itong mailathala sa Setyembre 11 at maging epektibo sa Setyembre 26 o 27, ayon kay RTWPB-NCR at DOLE-NCR Regional Director Roy Buenafe.

Nilinaw naman ni Labor Secretary Francis Tolentino na hindi ibinawas ang P60 sa P85 dagdag-sahod sa ilalim ng Wage Order No. 27 dahil hindi pa naipatutupad ang naunang kautusan.

Pinigilan ng Pasig Regional Trial Court ang pagpapatupad ng Wage Order No. 27, na sana’y magbibigay ng P85 dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa NCR.

Ayon sa DOLE, inilabas ang bagong kautusan upang mabigyan ng dagdag na kita ang mga manggagawa habang nakabinbin ang usaping legal kaugnay ng Wage Order No. 27.

Tinalakay ang bagong wage order sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang P47.057-bilyong badyet ng DOLE para sa 2027. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here