MANILA, Philippines — Pinatigil ng China si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa tinawag nitong “provocations and theatrics” matapos batikusin ng kalihim ang posisyon ng Beijing sa 2016 South China Sea arbitral ruling.
Sa regular press briefing, muling iginiit ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na hindi kinikilala ng Beijing ang desisyon ng arbitral tribunal.
“The Philippines unilaterally initiated the case, which is a distortion and abuse of the UNCLOS dispute settlement mechanism,” pahayag ni Mao.
Inakusahan din niya ang Pilipinas na lumalabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sumisira sa awtoridad nito—mga pahayag na taliwas sa naging desisyon ng arbitral tribunal noong 2016.
“We urge the certain individual of the Philippine side to cut the provocations and theatrics, and stop undermining China-Philippines relations and stability in the South China Sea,” dagdag niya.
Tugon ito sa naging pahayag ni Teodoro sa Seoul Defense Dialogue noong Setyembre 8 matapos iabot sa kanya ang isang note na naglalaman ng pagtutol ng China sa arbitral award.
Nakasaad sa note na ilegal at walang bisa umano ang ruling. Kinuwestiyon ito ni Teodoro at binatikos ang paraan ng paghahatid nito habang nagsasalita siya sa international forum.
“Maging disente lang kayo nang kaunti, mahiya naman kayo nang kaunti,” pahayag ng kalihim.
Ibinasura ng 2016 arbitral ruling ang legal na batayan ng malawak na “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea. Pabor ang desisyon sa Pilipinas, ngunit patuloy itong tinatanggihan ng Beijing. Dave Medina