Home OPINION SCAMMER NA PURO “FLEX” SA SOCIAL MEDIA, PAPAANO SISILUIN?

SCAMMER NA PURO “FLEX” SA SOCIAL MEDIA, PAPAANO SISILUIN?

2
0

NAKAGAGALIT isipin na may mga scammer na kayang mangulimbat ng milyon-milyong piso mula sa mga biktimang negosyante, ngunit tila napakadaling makalusot sa butas ng sistema. May pormal na reklamo mula sa kanilang biktima, may imbestigasyon, may warrant o pag-aresto pero kapag nakapagpiyansa, tila naglalaho na parang bula.

Ang mas nakaiinis, hindi naman pala totoong naglaho dahil kasalukuyan pa ring activated ang kanilang social media account. Hesusmaryosep!

Ang masaklap pa rito, dear readers, habang ang kanilang mga biktima ay nagbibilang ng milyong pisong nawala, may mga scammer na tila walang pangamba at panay ang pagpo-post ng mamahaling sasakyan, bakasyon, negosyo, gadgets at kung ano-anong “flex.” Para bang ipinagmamalaki pa nila ang kanilang pangungulimbat sa perang pinaghirapan ng ibang tao.

Hindi naman ibig sabihin na dahil nakapagpiyansa ang isang akusado ay awtomatiko na siyang ‘guilty’. May karapatan ang bawat isa sa ‘due process’ at ‘presumption of innocence’. Ngunit ibang usapin kapag ang isang taong may nakabinbing kaso ay hindi na humaharap sa proseso ng korte at pisikal na naglalaho.

Ang ating mga katanungan, saan pumapalya ang sistema at papaano maliligtas ang ating mga kababayan sa kamay ng tila walang kaluluwang mga pusakal?

Kung milyon-milyong piso ang sangkot, hindi sapat ang simpleng pag-aresto. Kung simpleng lohika ang pagbabatayan, nararapat lamang na mas pabilisin at paghusayan ang imbestigasyon, dokumentasyon, asset tracing at prosecution. Pero iyan ay personal nating opinyon, kailangan pa rin nating igalang ang kasalukuyang proseso na naaayon sa umiiral na batas at mandato ng mga tagapagpatupad.

Hanggang kailan ituturing na “safe haven” ng mga scammer na ito ang social media habang may mga biktimang naghahabol ng kanilang perang pinaghirapan.

Sa panahon ng ‘digital footprints’, hindi na imposibleng makita ang isang tao. Isa itong hamon na sa ating palagay ay mahihirapan ang kasalukuyang sistema na sundan ang mga ebidensya hanggang matukoy ang puno’t dulo.

At dahil kaisa tayo sa adbokasiyang labanan ang mga scammer at mga mapagsamantala, ibubulgar natin sa mga susunod na kolum ang ilan nilang modus operandi para sa kaligtasan nating lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here