AYON sa Article II, Section 26 ng Saligang Batas, dapat garantiyahan ng Estado ang pantay na pagkakataon sa paglilingkod sa bayan at ipagbawal ang political dynasties ayon sa depinisyon ng batas.
Sa ngayon, kahit kontrolado ng ilang makapangyarihang pamilya ang pulitika sa Pilipinas, hindi masasabi na lumabag sila sa Saligang Batas hangga’t wala pang batas na malinaw na tumutukoy kung ano ang political dynasty.
Paano nga ba magkakaroon ng batas laban dito kung sa mismong Kongreso ay marami ang nagmula sa political dynasties? Sa isang kaso, sinabi ng Korte Suprema na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Kongreso dahil sa kabiguang magpatibay ng Anti-Political Dynasty Law kahit 40 taon na ang lumipas mula nang magkabisa ang Saligang Batas.
Sa kasalukuyan, nakabinbin ang House Bill No. 8389 na naglalayong pagbawalan ang mga magkamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity na sabay na tumakbo o humawak ng magkakapatong na posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan.
Sa Quezon City, kahit may magkakamag-anak na sabay-sabay tumatakbo at nanunungkulan, hindi sila maituturing na lumalabag sa batas laban sa political dynasty dahil wala pang umiiral na batas na nagbibigay ng tiyak na depinisyon nito.
Kung maipapasa ang HB 8389, magiging batayan ang antas ng pagkakamag-anak. Maaaring saklawin ang mag-ama, magkapatid at mag-asawa kung sabay silang tatakbo o hahawak ng mga posisyong ipinagbabawal ng batas. Ngunit ang pamangkin sa pinsan o mga magkamag-anak na nasa ikalimang antas ay hindi saklaw ng panukala kung mananatili ang kasalukuyang limitasyon.
May mga balitang may magkakamag-anak sa Quezon City na nagbabalak tumakbo sa halalan. Kung magkakaroon na ng batas, magkakaroon din ng malinaw na batayan kung alin ang pinapayagan at ipinagbabawal.
Mas mainam ang malinaw na batas laban sa political dynasties kaysa sa magkakamag-anak na sabay-sabay na maglingkod upang magnakaw sa kaban ng bayan—gaya rin ng mga hindi magkamag-anak na gumagawa nito.






